Lalaking sangkot umano sa gunrunning, droga patay sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 06:32 PM

Napatay sa police operation sa Quezon City hapon ng Miyerkoles ang isang lalaking idinadawit sa droga at gunrunning o ilegal na pagbebenta ng armas.

Sisilbihan sana ng search warrant ng Quezon City police ang suspek na si Ernest Reyes sa kaniyang bahay sa Barangay San Agustin sa Novaliches, ayon kay Police Lt. Col. Rossel Cejas.

Pero nang makita ni Reyes ang mga pulis ay nagpaputok umano ito ng baril, dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis na siyang ikinasawi ng suspek, ani Cejas.

Sangkot si Reyes sa pagbebenta ng mga hindi lisensiyadong baril, ayon kay Cejas.

Nasa drug watch-list din umano siya.

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang mga kasama ni Reyes sa bahay matapos makatakas ang mga ito.

--Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.