Heat index sa Guiuan, E. Samar, pumalo sa 50.8 degrees Celsius

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 11:11 PM

Umabot sa 50.8 degrees Celsius ang heat index sa bayan ng Guiuan, Eastern Samar nitong Huwebes.

Ito ang pinakamataas na heat index sa buong bansa ngayong Mayo 2, base sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

 

Mataas rin ang heat index na naitala sa Tanauan City, Batangas (46.2 degrees Celsius), Roxas City, Capiz (45.1 degrees Celsius) at sa Dagupan City, Pangasinan (45.3 degrees Celsius).

Pawang nasa "dangerous" o mapanganib na lebel ang mga nasabing heat index.

Nasa 40.5 degrees Celsius naman ang heat index na naitala sa Science Garden sa Quezon City.

Payo ni Health Secretary Francisco Duque, mahalagang uminom ng mula walo hanggang 12 baso ng tubig para maiwasan ang dehydration.

Kapag na-dehydrate ang isang tao, maaari itong maging sanhi ng mas malalang kundisyon tulad ng heat exhaustion at heat stroke, na maaaring ikamatay.

Payo rin ni Duque, umiwas sa direktang sikat ng araw mula 9 a.m. hanggang 5 p.m. 

Kung hindi umano maiiwasan ang paglabas sa ganitong mga oras, mahalagang gumamit ng sunblock at magdala ng payong.

Ayon sa PAGASA, patuloy na makakaranas ng maaliwalas na panahon sa umaga at tanghali sa Metro Manila sa mga susunod na araw. Magiging maulap naman pagdating ng hapon at maaring makaranas ng localized thunderstorms.

Magiging maulap naman ang kalangitan sa Visayas at Mindanao. Maari ring makaranas ng localized thunderstorms o panandaliang pag-ulan.

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.