'Flower Heaven' sa The Netherlands, dinarayo ng mga Pinoy

Jofelle Tesorio, ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 04:08 PM

Dream come true para sa maraming Pinoy na makabisita sa Keukenhof Garden sa The Netherlands. Jofelle Tesorio, ABS-CBN News

LISSE, The Netherlands – Kasama na sa bucket list ng maraming Pilipino ang makapunta sa Keukenhof Gardens, ang tinaguriang flower heaven sa Europa.

Tuwing spring, walong linggong bukas ang Keukenhof para sa mga turista na nagmula pa sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ang pinakapangunahing atraksiyon dito ay ang mga variety ng tulips na matatagpuan sa 32-ektaryang hardin.

Maraming Pinoy ang sinasadya pa ang The Netherlands para personal na maranasan ang tinatawag na "Flower Heaven."

Nagbukas ang Keukenhof noong huling linggo ng Marso at magtatagal hanggang ika-19 ng Mayo kaya halos araw-araw nasa 26,000 katao ang pumapasyal dito o halos 2.4 milyong bisita kada taon.

Para sa English as a Second Language teacher sa Bangkok na si Ilsphet del Mar, natupad na ang matagal na niyang pangarap.

“I have planned to come here for years and this is a dream come true for me. Almost everything here is my favorite. If you’re a flower lover, this is the place for you. Even if you are not a flower lover, this is worth visiting. I would recommend it 100 percent,” ani del Mar.

Kasama ni del Mar na namasyal ang turistang Pinay na si Charmaine na nagta-trabaho naman sa Dubai. Maging si Charmaine, sinadya din ang The Netherlands para sa flower garden.

May iba namang Pinoy na galing lang sa mga kalapit na bansa gaya ni Elizabeth Layco na mula sa Italy. Ang kaniyang kaibigan naman ay nakatira sa Belgium.

“Ang nagustuhan ko ay iyong lahat ng bulaklak. Pero nakakapagod din maglakad,” ayon kay Layco.

Halos isang araw ang gugugulin para malibot at makita ang iba-ibang bulaklak na nakapalibot sa magkakaibang pocket gardens at mini-parks. Bukod sa tulips, mayroon din daan-daang variety ng roses, lilies, gerberas, daffodils at hyacinths ang makikita dito.

May ilang grupo naman ng Pinoy na galing ng Ireland. Anila, sinadya nila ang Keukenhof bukod sa mga windmills.

“I love the different kinds of flowers, makikita mo talaga dito lahat. Bed of tulips, roses… Tapos meron pang Sakura. Ang paborito ko iyong tulips. This is the best garden in the world,” sabi ni Maggie Ancheta.

May exhibitions din sa pavilions gaya ng sa Beatrix Hall kung saan makikita ang mahigit 100 variety ng orchids. Ang Netherlands ang pangalawa sa pinaka-malaking exporter ng orchids at nangunguna sa pag-export ng tulips at iba pang bulaklak. Mayroon ding hall na tampok ang kasaysayan ng mga bulaklak sa The Netherlands.

Lahat ng klase at kulay ng tulip ay makikita sa Keukenhof at bawat variety ay may kaniya-kaniyang pangalan at edad kung kailan unang nadiskubre. Ang pinakamatandang variety ng tulip ay taong 1500s unang itinanim. Ang tulip ay dinala sa The Netherlands noong 1500s at dito na sumikat ang bansa sa pagpapalago ng iba ibang variety.

Oktubre pa lang ay sinisimulan nang itanim ang mga bulbs ng tulips. Kapag namulaklak, halos dalawang linggo lamang ang tinatagal nito. Paano nga ba masisigurong sa loob ng walong linggo ay may tulips pa ring makikita ang mga turista sa Keukenhof?

 Ayon ka Maggie Sikkes, information staff, ang sekreto ay ang "lasagna method."

“So we plant all the bulbs up on each other… like lasagna. So the first blooming ones are on top and they’re coming out. And when they are out of, well, they die. And then the other ones are coming so you have flowers until July. It´s been a success because we have during those eight weeks flowers,” paliwanag niya.

Ang Keukenhof ay dating pag-aari ni Countess Jacoba van Beieren. Simula noong 19th century ay nasa ilalim na ito ng isang foundation. Noong 1949, isang grupo ng 10 gardeners ang nagplanong gamitin ang garden sa mga flower exhibitions. Kalauna'y, binuksan na ito sa publiko. May 18 taon na nang simulang buksan sa publiko ang Keukenhof. Kada taon, pitong milyong tulip bulbs ang itinatanim sa Keukenhof mula sa tulip farmers sa buong Netherlands.

Ang tema sa taong ito ay 70s inspired ‘flower power’ kung saan sa paligid ng Keukenhof ay flower fields na mistulang bahaghari ang kulay.

Para sa mga flower lovers, ang Keukenhof ay tila isang malaking panaginip na ayaw mo nang magising.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.