Bata patay sa cyanide poisoning sa Makati

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 10:53 PM | Updated as of May 03 2019 09:17 PM

MAYNILA (UPDATE) - Pumanaw na nitong Huwebes ang 7 anyos na lalaking nakainom ng cyanide na panlinis ng silver sa Barangay Rizal, Makati.

Watch more in iWant or TFC.tv

Aksidenteng nainom ng bata ang silver cleaner na nakalagay sa plastic na bote ng soft drinks noong Miyerkoles, ayon sa ulat ni Police Lt. Mylene Juan ng Women and Children Protection Desk ng Makati City Police.

Unang napansin ng nakababatang kapatid ng biktima na nangingisay sa loob ng banyo ang kaniyang kuya na tila nagkukumbolsyon.

Naisugod pa ang bata sa ospital pero binawian ng buhay dahil sa cyanide poisoning.

Ayon sa pulisya, napansin ng ina ng bata na wala na sa puwesto sa loob ng banyo ang silver cleaner. Nakita na lang sa sahig ng banyo ang bukas ng bote ng soft drinks na pinaglagyan ng silver cleaner.

Kuwento ng ama ng bata, galing ang biktima sa paglalaro at nauhaw. Nasa labas siya ng bahay nung panahong iyon.

Dagdag ng ama, galing sa kaibigan niya ang silver cleaner pero kaunti na lang ang laman nito sa bote.

Pangalawang dagok ito para sa pamilya sa loob ng isang taon dahil namatay noong Hunyo 2018 ang panganay na anak dahil sa komplikasyon ng cancer. - May ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.