Balang nakapatay sa bata sa Caloocan galing sa pulis: NCRPO chief

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 09:33 PM | Updated as of May 02 2019 10:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinumpirma ngayong Miyerkoles ni National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar na galing sa baril ng pulis ang balang nakapatay sa 6 taong gulang na lalaki sa Camarin, Caloocan City.

Sa resulta ng ballistics exam na isinagawa ng Philippine National Police Crime Laboratory, lumabas na nagtutugma ang baril na ginamit ni Police Cpl. Rocky delos Reyes sa balang tumama sa biktimang si Gian Habal, ayon kay Eleazar.

Naglalaro sa labas ng kanilang bahay noong Linggo si Habal nang mabaril.

May namataan umanong suspek si Delos Reyes kaya nakipaghabulan at nakipagbarilan siya rito pero tumama ang bala sa ulo ng bata.

Hinabol si Delos Reyes ng lola ng bata, na natamaan naman ng pulis ng bala sa paa.

Mas lalo raw nakumbinsi si Eleazar na walang palitan ng putok na nangyari sa pagitan ni Delos Reyes at ng isa umanong suspek.

Maaari raw may hinahabol si Delos Reyes pero sa ilalim ng rules of engagement, mali ang ginawa nito.

Base sa autopsy report sa labi ni Habal, nasa 2 talampakan ang layo ng nakabaril sa bata.

Isusumite ng NCRPO sa Caloocan City Prosecutor's Office ang resulta ng ballistics exam bilang karagdagang ebidensiyang magdidiiin kay Delos Reyes sa kinahaharap nitong mga kasong murder, frustrated murder at paglabag sa election gun ban.

Pinag-aaralan na rin ng PNP Internal Affairs Office ang kasong administratibong maaaring isampa laban sa pulis.

Dati nang may kasong administratibo si Delos Reyes dahil sa ilegal na pagpapaputok ng baril at dahil nakainom ito habang naka-duty, sabi ni Col. Restituto Arcangel, hepe ng Caloocan police.

--Ulat nina Jeck Batallones at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.