TINGNAN: Suspek sa pagpatay kay Fr. Mark Ventura

ABS-CBN News

Posted at May 02 2018 11:36 AM

MANILA - Inilabas ng pulisya ngayong Miyerkoles ang facial composite sketch ng gunman na pumaslang umano kay Fr. Mark Ventura sa Gattaran, Cagayan. 

Katatapos lang mag-misa ni Ventura nitong Linggo nang malapitan siyang barilin ng hindi nakilalang lalaki, na tumakas sakay ng motorsiklong minamaneho ng nag-aabang na kasabwat. 

Batay ang sketch ng gunman sa salaysay ng 2 testigong nakausap pa umano nito bago ang krimen, sinabi ng pulisya sa isang press conference. 

Inilarawan anila ang suspek na kayumanggi, may taas na 5'4" hanggang 5'5", at may birthmark o balat sa kaliwang pisngi. 

Lumalabas na matinding personal na galit ang motibo sa krimen at walang kinalaman sa pagiging pari ng biktima, dagdag ng mga imbestigador. 

Labing-isang buwan na nagsilbing kura paroko ng San Isidro Labrador ang 37-anyos na si Ventura. Direktor din siya ng isang paaralan sa bayan, ayon sa mga pulis. 

Kilala ang pari dahil sa kaniyang adbokasiya laban sa pagmimina at pagtulong sa mga katutubo, sinabi ng Liberal Party. 

Pinatay si Ventura 5 buwan matapos ding patayin ng riding-in-tandem ang 72-anyos na si Fr. Marcelito Paez sa Jaen, Nueva Ecija. 

Hindi pa nalulutas ang kaso ng pari na tumulong mapalaya ang isang political prisoner.

May ulat ni Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.