Grupong dumukot sa 2 pulis sa Sulu, maaaring 'konektado' sa Abu Sayyaf

ABS-CBN News

Posted at May 02 2018 03:58 PM

Isang grupong konektado umano sa mga Abu Sayyaf ang tinitingnang responsable sa pagdukot sa dalawang babaeng pulis sa Sulu noong Linggo, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde nitong Miyerkoles.

"It's actually affiliated sa ASG (Abu Sayyaf Group). It's another group na tinitingnan din sa part ng Mindanao ngayon, na parang grupo ito ng mga anak ng mga namatay na ASG," sabi ni Albayalde sa mga mamamahayag.

"Hindi natin alam kung ano'ng reason nila doon sa police pero ito 'yong mga nakikita nating grupo," dagdag ng hepe.

Tumanggi muna si Albayalde na pangalanan ang grupo, na sinasabing dumukot kina Police Officer (PO) 2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad sa Patikul, Sulu.

Ayon pa kay Albayalde, nagbigay ng patunay ang mga dumukot na buhay pa ang dalawang pulis at humihingi ang mga ito ng ransom na P5 milyon.

Nakasakay sa tricycle ang dalawang pulis nang harangin umano sila at tangayin ng mga armadong salarin. -- May ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.