PatrolPH

Misis pinatay, inilibing umano ng mister sa bakanteng lote sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at May 01 2022 09:01 AM

Watch more News on iWantTFC

Natagpuang patay at nakalibing sa bakanteng lote sa Norzagaray, Bulacan nitong Sabado ang isang babaeng naunang iniulat na nawawala, ayon sa pulisya.

Itinuturing na suspek sa krimen si Jerwin Conda, asawa ng biktimang si Rowena Conda.

Abril 15 pa nawala si Conda pero Abril 26 lang ito naiulat sa mga awtoridad.

Ayon kay Norzagaray police chief Lt. Col. Cris Cordero, ang anak ng biktima ang nagsabing nakalibing ang ina sa bakanteng lote sa likod ng kanilang tirahan.

"Sa pagtatanong-tanong, itong anak ng biktima ay 5 taon, ay nakapagsalita na si mama niya raw ay nandoon sa lupa," ani Cordero.

Nang puntahan ang lugar, napansin umano ng mga pulis na tila bagong hukay ang lupa.

"Tinignan nila 'yon at medyo malambot ['yong lupa]. At 'yon nga, noong hinukay nila ay nakita nila isang tarpaulin, plastic na noong kanilang buksan ay positively na ang biktima ang nandoon. Matagal na palang ibinaon ang kanyang bangkay," ani Cordero.

Sumuko nitong Sabado rin si Jerwin, na inaming nagkaroon sila ng pagtatalo ng misis noong Abril 15 dahil sa problema sa ibang babae.

Habang nagtatalo ay tinutukan umano ng biktima ng kutsilyo ang mister, kaya nawalan ng kontrol si Jerwin.

Sinakal niya umano ang kaniyang misis hanggang sa mamatay ito, at inilibing agad sa bakanteng lote.

Mahaharap sa kasong parricide ang suspek, na tumangging magpa-interview.

Lumabas sa medico-legal ng biktima na namatay ito dahil sa sakal.

— Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.