'Twin goals': Kambal sa General Santos, parehong nakapasa sa 2019 Bar exams

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 07:42 PM

Masayang-masaya ang kambal na sina Flourence Kathrine Enriquez at Flourence Marie Enriquez dahil ganap na silang mga abogado at matapos pumasa sa 2019 Bar exams. Kuha ng pamilyang Enriquez

GENERAL SANTOS - "Twin goals" ang nakamit ng isang kambal mula sa lungsod na ito matapos pareho silang nakapasa sa 2019 Bar exams.

Masayang-masaya ang kambal na sina Flourence Kathrine Enriquez at Flourence Marie Enriquez dahil ganap na silang mga abogado matapos pumasa sa Bar exams.

“Passing the Bar is one thing, but having the two of us pass the bar is really a blessing and we are grateful for all the prayers of our family and friends” ani Kathrine.

“All our sleepless nights, our efforts and hardwork really paid off,” dagdag ni Marie.

Hindi na bago sa hamon ng buhay ang kambal dahil naranasan nilang ipagsabay ang pag-aaral at trabaho simula nang maagang maulila sa mga magulang.

Sa pagkamit ng tagumpay sa buhay, sina Kathrine at Marie ay magkasama at hindi mapaghiwalay dahil kahit noong elementarya pa lang, nakitaan na sila ng sipag at talino.

Bago sila kumuha ng abogasya, nagtapos bilang magna cum laude si Kathrine at cum laude si Marie sa kursong accountancy sa Mindanao State University sa General Santos.

Sabay din silang nag-aral at nagtapos ng abogasya na may titulong cum Laude.

Kwento ng dalawa, matinding preparasyon ang kanilang pinagdaanan para matiyak ang kanilang "twin goals" na maging abogado.

“You have to read full text of cases, you have to read full annotation of textbook and you have to focus be determined and your goal must be to pass the Bar exam,” ani Kathrine.

At sa pagpasa sa Bar exams, muli nilang napatunayan na basta't magkasama, makakamtan nila ang ano mang pangarap.

Kaya ngayon, pareho na silang certified public accountants at lawyers dahil sa kanilang pagpupursigi.

Sa ngayon, nasa Makati City sina Kathrine at Marie at tinatahak ang maging eksperto sa larangan ng tax at corporate law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.