PatrolPH

Pagpanaw ng sanggol matapos umanong tanggihan ng ospital sa Maynila iniimbestigahan

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 08:22 PM

Hawak na ng National Bureau of Investigation ang kaso ng 1-taong gulang na sanggol na namatay matapos umano tanggihan ng isang ospital sa Maynila. 

Base sa affidavit ng ina ng sanggol, Abril 14 ng umaga nang mahirapan huminga ang bata. Dinala muna nila ito sa Ospital ng Tondo pero agad inilipat sa isa pang ospital sa Maynila. 

"April 14 ng umaga, 6 o'clock dinala nila ito sa Ospital ng Tondo pero dahil kulang ang gamit, nilipat nila agad. 8:30 sila dumating sa JRRMMC (Jose R. Reyes Memorial Medical Center) at 9 a.m. namatay na ang bata," sabi ni Yuri Beltran, imbestigador ng NBI-National Capital Region na may hawak ng kaso. 

May heart condition ang bata kaya't kailangan sana ng madaliang medical attention. Base sa salaysay ng ina, oxygen lang ang ibinigay sa kanila at hindi pinayagan makapasok sa ospital dahil puno na ito. 

Ayon kay Beltran, pinagpapaliwanag na nila ngayon ang nasabing ospital. 

"Nagpadala na kami ng sulat for them to explain." 

Sinusubukan ng news team na kunan ng panig ang ospital pero wala pa itong pahayag.

Ayon pa kay Beltran, may ilan na rin silang iniimbestigahan na mga kaso tungkol sa mga pasyenteng namatay matapos umanong tanggihan ng mga ospital. 

"Sa ibang kaso, may mga private hospitals din na dineny o ni-refuse ang mga pasyente," sabi ni Beltran. 

Dagdag pa niya, marami pa marahil ang mga nakaranas ng ganito pero di alam ang gagawin o kung paano hihingi ng hustisya. 

Abiso niya, puwedeng magreklamo sa NBI-NCR na siyang nag-iimbestiga ng mga kasong ganito, o tumawag sa trunkline ng NBI na (02) 8523 8231.

Sa kanilang nakukuhang impormasyon, nakakapagtaka na lagi aniyang sinasabi ng mga ospital na puno na sila, gayong malinaw na sinabi ng DOH na kailangan pa rin gamutin at tanggapin ang mga pasyente na hindi naman COVID-19 ang sakit. 

"Laging sinasabi ng mga ospital na iniimbestigahan namin ay 'yung condition sa COVID-19, na pag in-admit 'yung mga pasyente na hindi naman COVID case, mawo-worsen lang at may possibility na mahawa sila. Pero kung 'yun ang gagamitin natin na basehan, ano pa ang magiging basehan ng mga tao, san pa sila pupunta?,” sabi ni Beltran.

Sa ngayon, may 4 na katulad na kaso na ang tinututukan ng NBI-NCR sa Metro Manila at may 3 sa mga probinsya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.