'Modified community quarantine' para sa Batangas, iminungkahi ni Leviste

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 12:24 AM

Iminungkahi ni Batangas Vice Governor Mark Leviste sa Inter-Agency Task Force ang pagpapatupad ng "modified community quarantine" sa lalawigan.

Kabilang ang Batangas sa mga lugar na patuloy na isasailalim sa enhanced community quarantine hanggang Mayo 15.

Sa 34 na mga bayan at lungsod sa lalawigan, nasa 14 ang mga lugar na itinuturing na COVID-19 free.

Kabilang rito ang mga bayan ng Calatagan, Tuy, Balayan, Laurel, Talisay, San Nicolas, San Luis, Sta. Teresita, Tingloy, Taysan, Ibaan, Rosario, Agoncillo at Balete.

Pabor naman si Balete Mayor Wilson Maralit sa extension ng ECQ sa lalawigan.

"Kahit COVID-free tayo, kasi ang iniisip natin dyan pag niluwagan natin ng konti, lalo yung general quarantine pag niluwagan natin makakalabas na rin ang kababayan ko, Ang problema ngayon paglabas nila hindi natin tiyak kung sino ang makakasalamuha nila, pagpasok nila sa bayan natin sa Balete hindi natin alam kung ano ang mangyayari," ani Maralit.

Pero para naman kay Lian Mayor Isagani Bolompo, mas mabuti kung naka-general community quarantine na ang bayan ng Lian sa kabila ng pagkakaroon ng positibong kaso ng COVID-19 sa bayan.

May isang kaso ng COVID-19 sa Lian. Ang pasyente, nagtatrabaho sa Lian pero residente ng Batangas City.

Ani Bolompo, mabibigyan ng pagkakataon na umusad na ang komersiyo sa Lian kung GCQ na lamang ang paiiralin rito.

"Kung 'yung mga bayan na wala, for almost 40 days ay wala, ay siguro ay parang bigyan naman ng pagkakataon, kaya lang 'yung may mga kaso, 'yun ang talagang lockdown para 'di naman mag-spread," aniya.

Nauna nang iminungkahi ni Leviste noong isang linggo sa IATF ang posibilidad ng modified community quarantine sa Batangas.

Sa ilalim ng ganitong sistema, may mga ilang bayan na papayagan nang magbukas ang komersiyo o kaya'y maibalik ang pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan, pero ipapatupad pa rin ang mga border o interborder checkpoints.

Solusyon umano ito para hindi maparalisa ang ekonomiya ng mga bayang hindi gaanong apektado ng COVID-19.

"Halimbawa baka sa ibang bayan puwede na pong magsimula o magbukas ang komersiyo, ganoon din ang pagbiyahe ng public utility vehicles tulad ng jeep, mga tricycles, subalit kikilalanin pa rin ang border o interborder checkpoints and lockdown, ibig sabihin, 'yung mga tao na nasa loob ng bayan ay hindi papayagang lumabas at 'pag sila’y lumabas ay baka sila ay 'di pabalikin kung hindi sasailalim sa quarantine procedures," paliwanag ni Leviste.

Wala pang sagot ang IATF sa mungkahi ni Leviste.

Nanawagan rin si Leviste sa mga lokal na pinuno ng mga lungsod at munisipalidad sa Batangas na tiyaking naibibigay ang nararapat na ayuda sa lahat ng apektado ng lockdown.