Mahigit 200 kaha ng pekeng sigarilyo, nakumpiska sa Valenzuela

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 02:12 AM

Arestado ang isang Chinese businessman at kasamang Pinoy sa operasyon ng Valenzuela police at Bureau of Customs (BoC) nitong Huwebes ng hapon sa warehouse ng isang plastic marketing company sa Mulawinan Street, Barangay Lawang Bato, Valenzuela City.

Ayon sa Northern Police District (NPD) public information office, nagsagawa sila ng search operation sa gusali at nakumpiska ang nasa 259 kaha ng pekeng imported na sigarilyo at iba pang pekeng imported merchandise. 

Dagdag ng NPD, nakakuha sila ng tip ukol sa ilegal na gawain sa warehouse mula sa mga naaresto kagabi, na kinabibilangan din ng isang Chinese. 

Tinurnover sa BoC ang mga nakumpiskang sigarilyo at merchandise, habang pansamantalang pinasara ang warehouse.

Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa dalawang naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.