Limitadong pagbabalik-operasyon ng POGO pinayagan; senador may pangamba

ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 01:30 PM

Papayagang magbukas ang Philippine Offshore Gaming Operations, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) pero lilimitahan ang mga operasyon nito alinsunod sa mga patakaran kontra sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Bagay ito na inalmahan ng ilang senador sa umano’y pangamba sa kalusugan ngayong may banta ng sakit. 

Ayon kay PAGCOR chairman Andrea Domingo, papayagan ang mga POGO na gumamit ng hanggang 30 porsiyento ng kanilang workforce, batay sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force. 

Dagdag niya, ituturing na business process outsourcing ang mga ito. 

"Na-notify lang kami kahapon na na-approve na nga, i-coconsider ang POGOs as BPOs... Dahil sa dami naming requirements, siguro it will take them another week bago pa sila makapag simula," ani Domingo. 

Ang mga rehistradong worker lang ang maaaring pumasok sa mga POGO at dapat ding pumasa sila sa COVID-19 rapid tests.

Kinakailangan ding may isolation rooms, nakapagbayad ng buwis, at dapat ding payagan ang pag-inspeksyon sa mga pasilidad. Dapat din anilang sumunod sa physical distancing ang mga magtatrabaho rito. 

Pero nababahala ang senador na si Joel Villanueva, dahil maituturing aniya na “high risk” na trabaho ang mga POGO dahil ginagawa umano ito sa maliliit na espasyo. 

"'Pag kumalat na naman po yan (COVID-19), gobyerno na naman po natin ang mamromroblema, gobyerno na naman po natin ang gagastos," aniya sa panayam sa DZMM. 

Pangamba rin ni Villanueva, na Senate Committe Chair on Labor na hindi masundan ang mga patakarang inilatag ng gobyerno na maaaring magdulot ng panganib. 

"Pinagtataka po natin kung bakit kating-kati ang ilan sa atin na prioritize ang sektor na ito? Tulungan po muna natin ang mga mas mahalagang sektor na nag-aambag sa ekonomiya at lumilikha ng trabaho para sa ating mga kababayan," aniya. 

Maaalalang ipinanawagan na ang tuluyang pagsasara ng mga POGO bago pa man ang banta ng coronavirus sa umano'y ugnayan nito sa iba pang krimen gaya ng prostitusyon at pandurukot. 

-- May ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.