Ika-5 kaso ng COVID-19, naitala sa Zamboanga del Sur

ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 12:02 AM

Umabot na sa 5 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Zamboanga del Sur, habang 11 naman ang kasong naitala sa Zamboanga City nitong Huwebes.

Isang 66 anyos na lalaking negosyante ang ika-5 nagpositibo sa COVID-19 sa Zamboanga del Sur.

Ayon kay Jesrel Himang, tagapagsalita ng Zamboanga del Sur Task Force COVID-19, Abril 2 nang na-admit sa isolation facility ang pasyente dahil sa ubo at hirap sa paghinga.

Mayroon itong chronic cardiac disease at diabetes melitus bago pa man magkasakit ng COVID-19.

Agad kinuhanan ng swab specimen ang pasyente at pinadala sa Research Institute for Tropical Medicine.
 Pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi dumating ang resulta ng kanyang RT-PCR test.


Kaya nag-desisyon ang mga doktor na kuhanan muli ng swab specimen ang pasyente noong Abril 22 at nitong Huwebes, Abril 30, ay dumating ang resulta kung saan nag-positibo ito sa COVID-19.

Ayon kay Himang, may travel history ang pasyente sa Metro Manila noong Marso 14, dalawang araw bago ipinatupad ang enhanced community quarantine sa buong lalawigan.

Sa ngayon, nasa isolation facility pa rin ang pasyente, bagama't asymptomatic na ito o wala ng nararamdaman na sintomas ng sakit.

Bukod sa kaniya, may isa pang COVID-19 patient ang naka-admit ngayon sa isolation facility ng Zamboanga del Sur Medical Center.

Tatlo na ang gumaling sa sakit, pero ang isa sa kanila ay nagpositibo muli sa COVID-19, mahigit dalawang linggo matapos siyang makalabas ng ospital.

Sa buong Western Mindanao, pumapalo na sa 16 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19. Labing-isa dito ay mula sa Zamboanga City.

Pinakahuling nagpositibo sa sakit sa Zamboanga City ang isang 64 anyos na babaeng kasalukuyang nasa Zamboanga City Medical Center. In-admit siya sa ospital noong Abril 17 dahil sa hypertension, pneumonia at diabetes.

Samantala, sa kabila ng bagong kaso ng COVID-19 ay ipapatupad pa rin ng lokal na pamahalaan ang general community quarantine simula Mayo 1.

Pero nagpaalala ang mga lokal na opisyal sa mga residente na huwag maging kampante at sumunod pa rin sa mga safety guidelines sa ilalim ng general community quarantine.

Bagama't mababa pa ang bilang ng kumpirmadong kaso ay patuloy namang nadadagdagan ang bilang ng mga COVID-19 suspects sa probinsya.

Umaabot na sa 10 ang bilang ng mga namatay na COVID-19 suspects, kabilang na dito ang dalawang sanggol mula sa bayan ng Pitogo. - ulat nina Jewel Reyes, RJ Rosalado, at Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.