4 seafarers sa Bacolod City, nagpositibo sa COVID-19 rapid antibody-based test

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 02:44 AM

Apat sa 28 na mga seafarer na dumating sa Bacolod City nitong Martes ng gabi ay nagpositibo sa rapid antibody-based test sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa alkalde ng siyudad.

Sa isinagawang press conference ni Mayor Evelio Leonardia, sinabi ng alkalde na ang resulta ng rapid test ay hindi pa masasabing confirmation na positibo talaga ang pasyente at kailangan pa umanong dumaan sa maraming test at isa na rito ang real time - polymerase chain reaction ( RT-PCR test).

Aniya, ang RT-PCR test ang basehan ng Department of Health para opisyal na madeklara ang isang pasyente na confirmed COVID-19 patient. 

Ginagamit naman ang rapid test para mas mapabilis ang resulta para malaman kung sino ang pwedeng isailalim sa sa RT-PCR test. 

Ngayong araw isasailalim ang apat sa swab test at sa RT-PCR test sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo para malaman kung sila ba ay negatibo o positibo sa COVID-19.

Dagdag ni Leonardia, asymptomatic ang apat na seafarers na sa ngayon at naka-isolate sila sa Graciano Lopez Jaena Elementary School sa Bacolod.

Ang 28 na overseas Filipino workers at seafarers ay may mga dalang mga dokumento na sila ay sumailalim sa quarantine test at nag-negatibo rin sa rapid test, pero sinigurado ng lokal na pamahalaan kaya nalaman na positibo ang rapid test sa kanila.

Samantala, nilagdaan na ni Negros Occidental Governor Eugenio Lacson ang Executive order 20-23 na nagsasaad na sasailalim na lamang sa general community quarantine ang Negros Occidental mula sa enhanced community quarantine.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.