Ospital ng Makati ugat umano ng hidwaan nina Junjun, Abby Binay

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 08:10 PM | Updated as of May 02 2019 12:39 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang hindi matapos-tapos na multi-bilyong proyekto sa Makati City ang umano'y isa sa naging dahilan ng alitan ng magkapatid na Binay.

Ito ay ang Ospital ng Makati (OsMak), na sinimulang itayo noong panahon ni Junjun Binay bilang alkalde ng Makati City, pero hindi umano itinuloy ng kapatid niyang si incumbent Mayor Abby Binay.

Batay sa mga dokumento, kulang-kulang sa P2 bilyon ang naibuhos na rito, na ngayon ay kinukuwestiyon na ng Commission on Audit (COA).

Ayon kay Renato Bondal na dating kakampi ng mga Binay sa Makati pero ngayo'y kalaban na rin sa politika, ayaw na muna ituloy ni Abby ang proyekto hangga't hindi tapos ang fraud audit ng COA sa takot na pati siya ay sumabit.

"Kung ituloy niya ito pati siya madadale. Overpriced 'yan at may mga dokumento kami diyan," ani Bondal. 

Ayon din kay dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na dating malapit sa mga Binay, ang OsMak project ang isa sa mga pinag-awayan ng magkapatid.

"Ino-audit na kasi ng COA, kaya ayaw nang mag-release ng pera si Abby para ituloy dahil baka makasuhan na naman sila... So sumama ang loob ni Junjun," ani Mercado.

Ayon naman kay Bondal, bukod pa ito sa pangamba ng mga kapatid ni Abby na ang susunod na magiging mayor ng Makati ay hindi isang Binay.

"Kasi nga nararamdaman nila na after Abby, ang asawa na ang papalit, si Luis Campos. Ayaw nila 'yun," sabi ni Bondal.

Gayumpaman, pinabulaanan ni Senador Nancy Binay na may kinalaman ang isyu ng OsMak sa away ng kaniyang mga kapatid.

"Pinupulitika ni Mercado 'tsaka ni Bondal 'yang ospital na 'yan. Kaya imbes na magamit ng mga kababayan ko, hindi tuloy maituloy itong pagtatayo ng hospital," sani ni Nancy. 

Kumpirmasyon naman ng senadora, personal at politika ang sanhi ng hidwaan nina Abby at Junjun.

Magkalaban ngayon sina Abby at Junjun sa pagkaalkalde ng Makati City.
    
—Ulat ni Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.