Magkakapatid na suspek sa pananaksak sa vendor timbog

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 06:09 PM | Updated as of May 02 2019 06:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog sa operasyon ng pulisya ang apat na magkakapatid na suspek sa pananaksak sa isang tindero sa Quezon City dalawang taon na ang nakalilipas.

Sinalakay ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang bahagi ng Barangay Tatalon at doon naaktuhan ang apat na lalaking suspek na nakaistambay. 

Nang makita ng mga suspek ang mga pulis ay nagpulasan ang mga ito kaya nagkahabulan.

Sa huli, nahabol ng pulisya ang apat na subject ng arrest warrant. 

Kuwento ng biktimang vendor, sinaksak at pinagtulungan siyang gulpihin ng magkakapatid.

"Sinaksak po nila ako at pinagtulungan... Sabi nila di ko raw kaya magkaso dahil ako daw ay vendor lang... Napagbintangan lang po nila ako nu'ng may nawala sa kanilang gamit. Isang taon ako di nakapaghanapbuhay dahil sa ginawa nila," ani alyas "Elia." 

Todo-tanggi naman ang apat at sinabing napagbintangan lang sila. 

Ayon sa QCPD, umabot din nang dalawang taon ang paghahanap nila sa mga suspek. 

"Nagtago ito sa probinsiya at ngayon lang lumutang. Kaya sana 'wag dadaaanin lahat sa init ng ulo para makaiwas sa ganito," sabi ni QCPD Station 11 chief Police Col. Carlito Mantala.

Wala namang plano makipag-areglo ang biktima at itutuloy ang pagdinig sa kasong frustrated murder. 

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.