Lalaking 'tumangay' ng kotse sa parke sa Laguna timbog

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 06:07 PM | Updated as of May 01 2019 11:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang 53 anyos na lalaki matapos umanong tangayin ang isang kotseng nakaparada sa parke sa San Pablo City, Laguna. 

Kinilala ang suspek na si Nelzon Ticzon, na inaresto ng pulis ilang oras matapos ang krimen. 

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ipinaparada ni Rushel Aiko Jimenez sa Donya Leonila Park sa Barangay V-A ang sasakyan para mag-jogging kasama ang kaibigan. 

Habang ipinaparada ang kotse, lumapit umano si Ticzon para gabayan sila sa pagparada. 

Nang umalis ang magkaibigan para mag-jogging, binuksan umano ni Ticzon ang sasakyan gamit ang isang kutsilyo, at saka niya umano ito pinaandar at tinangay. 

Sa kuha naman ng isa pang CCTV, makikitang ipinarada sa parking lot ng isang ospital ang umano’y tinangay na sasakyan. Nang magtagal na raw sa pagkakaparada ang sasakyan sa ospital ay idinulog na raw ito ng mga security guard sa pulis.

Nang makarating ang pulis, natuklasan na ang naturang sasakyan ang tinangay sa parke kaya inabangan si Ticzon, na inaresto nang balikan umano nito ang sasakyan. 

Ayon sa imbestigasyon ng San Pablo City police, pansamantalang iniwan ni Ticzon ang sasakyan dahil wala itong gasolina. May rekord din umano ng pagnanakaw ang suspek, ayon sa hepe na si Police Lt. Col. Eli Bernales. 

Ayon pa kay Bernales, tinangay ng suspek ang kotse para may pambili ng droga at pambayad ng utang. 

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek, na nakakulong at sinampahan ng kasong carnapping. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.