Lalaking higit isang buwang nawawala sa Isabela, natagpuang patay sa balon

Darlene Gemino, ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 08:45 PM | Updated as of May 01 2019 08:46 PM

CAUAYAN CITY, Isabela—Bangkay na nang matagpuan sa balon ang isang lalaking halos isang buwan nang nawawala.

Naaagnas na nang matagpuan sa balong may lalim na higit 50 talampakan ang bangkay ni Edward Dalog, 27 anyos at residente ng Barangay Labinab, sa lungsod na ito.

Sa tulong ng isang testigo, nahanap ang biktima noong Sabado, Abril 27.

Ayon sa pulisya, may mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima na tinatayang ilang linggo nang patay.

"Nahirapan silang mag-ahon gawa ng maraming naitabon sa kaniya gaya ng graba, inodoro, sari-sari 'yung tinabon para maikubli 'yung krimen," ayon kay Police Captain Esem Galiza ng Cauayan City Police.

Nakilala na ng pulisya ang walong suspek sa pagpatay kay Dalog. Pawang mga residente ng Cauayan City ang mga ito. Dalawa sa kanila ay babae.

Nag-inuman pa umano ang mga suspek at ang biktima bago ang insidente.

Ayon sa ina ng biktima, Marso 23 nang umalis sa kanilang bahay si Dalog at hindi na makontak mula noon.

Hinihintay na lamang ng pulisya ang autopsy report para masampahan ng kaso ang mga suspek na dati na umanong may kaso ng robbery at pagpatay.

Patuloy rin ang paghahanap sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.