Kuryente, guro, seguridad: handa na ba sa halalan?

James Amante, ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 09:17 AM | Updated as of May 01 2019 09:22 AM

MANILA – Idineklara ng iba't ibang sangay ng pamahalaan ang kanilang kahandaan para maiwasan ang mga posibleng aberya sa araw ng halalan.

Ito ang tinalakay sa ginanap na "Handa Na Ba Kayo" forum na pinangunahan ng DZMM TeleRadyo nitong Sabado, Abril 27, sa Mandaluyong City Hall.

Kabilang sa mga dumalo ay mula sa Commission on Elections (Comelec), Department of Education (DepEd), at Department of Energy (DOE).

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), plantsado na ang kakailanganin para sa masigurado ang suplay ng kuryente, seguridad, at kasanayan ng mga guro. 

Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, kung sakali man na magkaroon ng problema sa mga makina na gagamitin sa halalan, sapat ang kasanayan ng mga guro para tugunan ang sitwasyon. 

"Ang ating mga teacher, nakatanggap ng training sa paggamit ng makina so mayroon silang basic knowledge," ani Jimenez.

"On top of that, mayroon pa tayong support center, 'yong national support center, kung saan puwede silang tumawag at humingi ng technical advice, anything from ayaw mag-on ng makina to baterya. Lahat ng issues," dagdag niya.

Ito ay sinegundahan ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali na tiniyak din ang kahandaan ng mga guro at maging ang mga paaralang gagamitin para maisagawa nang maayos ang eleksiyon.

Pinawi naman ni Patrick Aquino ng DOE ang mga pangamba ng kawalan ng kuryente sa araw ng halalan. Tiniyak niya na sapat ang suplay ng kuryente sa Mayo 13.

"Inaasahan natin, maliban na lang po kung magkakaroon tayo ng forced outages o pagbagsak power plant, mayroon tayong sapat na enerhiya sa araw ng eleksiyon," ani Aquino.

"Historically naman po, dahil holiday po ang ating eleksiyon, medyo mababa po ang konsumo ng ating kuryente," dagdag niya. 

Hinikayat naman ni Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP, na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kung sakaling makakakita ng mga kahina-hinalang tao at bagay.

"Pag-uulat ng anumang nakikita ninyong kakaiba, panahon man ng halalan o hindi, na nangyayari sa inyong lugar, i-report niyo po agad iyan upang kagyat naming mabigyan ng aksiyon," saad ni Arevalo.

"Sigurado po na mayroon tayong sapat na bilang ng tauhan na handa at nakatalagang siguruhin na hindi makakagawa ng terrorist plans," dagdag niya.

Nagpaalala naman ang tagapagsalita ng PNP na si Bernard Banac na patuloy pa rin ang gun ban. Aniya, maghihigpit ng seguridad sa mga polling center sa Mayo 13.

"Ang paalala, huwag na kayo magdala ng mga bag dahil kung magdadala man kayo, magiging mahigpit po ang pag-i-inspect ng mga bag niyo at maantala lang kayo sa pagpasok sa polling centers," ani Banac.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.