PatrolPH

City hall ng Baguio City, ninakawan

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 06:04 PM

City hall ng Baguio City, ninakawan 1
Hinahanap ng awtoridad ang lalaking nakunan sa CCTV na siya umanong nagnakaw sa city hall ng Baguio City. Noel Gapasin, ABS-CBN News

BAGUIO CITY - Pinasok ng magnanakaw ang city hall ng Baguio City Lunes ng umaga habang nagsasagawa ng flag raising ceremony ang mga empleyado nito.

Tinutukoy ngayon ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaking nakuhanan ng CCTV na nagtungo sa opisina ng Human Resources Management Office ng Baguio City Hall kaninang umaga kung saan nawala ang mga cellphone ng mga empleyado.

Pagkatapos ng flag raising ceremony, sirang padlock ng kanilang opisina ang tumambad sa mga empleyado.

“Pagdating ng officemate ko, sabi niya dalian ko raw at tingnan ko kung may nawala sa akin," ani Zenaida Ordinario, isa sa mga nanakawan ng cellphone.

Ito umano ang unang beses na nilooban ang nasabing departamento ng city hall.

“Mag-hanapbuhay siya hindi 'yung ganun na garapal na kukuha siya ng hindi sa kanya,” dagdag ni Ordinario

Sa CCTV footage, makikitang nagpabalik-balik muna ang lalaki sa iba't-ibang opisina pero wala siyang nakuha. Sa kabuuan, limang cellphone ang kaniyang natangay.

“Iniimbestigahan pa natin 'yan at may nakuha na tayong footage for identification 'yung suspect,” ani Police Major Eddie Bagto, hepe ng Baguio City Police Office.

Hiling ng pulisya na agad ipaalam sa kanila ang anumang impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng lalaking nakuhanan sa video.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.