CHR iimbestigahan ang pagkakabaril sa 6 anyos

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 04:47 PM | Updated as of May 02 2019 12:37 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Iimbestigahan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkamatay ng 6 anyos na lalaki sa Caloocan City na nabaril umano ng pulis noong Linggo. 

Ayon sa CHR, kasado na ang kanilang motu proprio investigation upang alamin ang tunay na nangyari sa biktimang si Gian Habal, na nabaril umano ni Police Cpl. Rocky delos Reyes habang nasa gitna ng engkuwentro. 

Matatandaan na napatay si Habal matapos magpaputok ng baril si Delos Reyes, na ikinatwirang nasa gitna siya ng engkuwentro. 

May namataan umanong suspek si Delos Reyes noong hapon ng Linggo sa may Camarin, Caloocan City, base sa paunang imbestigasyon. 

Hinabol niya ito at binaril pero tumama ang bala sa ulo ng bata, na naglalaro ng mga oras na iyon sa labas ng kaniyang bahay, ayon sa imbestigasyon.

Hinabol ng lolo at lola ng bata si Delos Reyes, na muli umanong nagpaputok ng baril na tumama naman sa paa ng lola. 

Sumuko si Delos Reyes sa Caloocan police matapos ang insidente.

Tiniyak naman ni Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), makakamit ng pamilya Habal ang hustisya.—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.