Bata patay nang mabagsakan ng ‘piso WiFi’ machine sa GenSan

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 08:38 PM

GENERAL SANTOS CITY—Patay ang isang 5-anyos na batang lalaki habang sugatan naman ang kalaro nitong 2-anyos nang mabagsakan ng isang "piso WiFi" machine Lunes ng gabi sa Barangay Apopong sa lungsod na ito.

Kuwento ng ina ng biktima, abala silang nagliligpit ng gamit pauwi nang bigla na lang silang may narinig na malakas na kalabog at sigawan ng mga tao.

Naipit din ng WiFi machine at coffee vending machine ang kalaro ng bata na isang 2-anyos na batang lalaki.

Ayon sa tiyahin ng 2-anyos, nagtamo ito ng sugat sa ulo at bukol sa pisngi.

Hindi ito ang unang beses na natumba ang mga nasabing makina kaya panawagan ng mga residente na ligpitin na ito.

Tumanggi nang humarap sa kamera ang may-ari pero inako na nila ang gastusin sa pagpapalibing at pagpapagamot sa mga biktima.

Tinanggal na rin sa labas ng meat shop ang mga makina para maiwasang maulit pa ang pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.