Tatakbong kagawad, patay sa pamamaril sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 01 2018 04:17 AM | Updated as of May 01 2018 08:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakahanda na ang mga tarpaulin at poster ng 36-anyos na si Anthony Echavez para sa pagtakbo niya bilang kagawad sa Barangay 4, Zone 1 ng Pasay City pero 3 araw bago ang simula ng campaign period, hindi na siya makakapangampanya.

Palaisipan pa rin sa mga pamilya at kakilala ni Echavez kung bakit siya binaril malapit sa tinitirhan niya sa Cuyegkeng Street bandang alas-10:48 ng gabi.

Sa paunang imbestigasyon, naglalaro ng darts sa kalsada sina Echavez at ilang kamag-anak at kaibigan nang dumating ang isang motorsiklong sakay ng magkaangkas na naka-helmet.
 
Ayon sa isang nakakita, unang pinaputukan si Echavez ng lalaking nagmamaneho ng motor. Ipinasa nito ang baril sa kaangkas na sinasabing babae na pinaputukan din ang biktima.

Nakunan ng CCTV sa katabing barangay ang pagtakas ng motorsiklo sa Salud Street palabas ng Buendia.

Dinala si Echavez sa Ospital ng Maynila pero hindi na rin siya naisalba.

Tinamaan pa ng ligaw na bala ang residenteng si Orlando Buenaventura, 54 taong gulang, na pinagamot din sa ospital.

Anim na basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang narekober ng SOCO sa crime scene.

Tumangging magbigay ng panayam ang mga kapamilya ni Echavez, pero sabi ng asawa nito wala siyang bisyo o kaaway. 

Kapatid si Echavez ng kasalukuyang kagawad sa Barangay 4 at nitong Abril ay naghain ng kandidatura bilang kagawad para sa halalang pambarangay sa Oktubre.

Ayon sa ibang kaanak, kilala rin siya sa barangay dahil sa tindahan niya sa lugar at pag-ambag din sa ilang proyekto sa pamayanan gaya ng pagpapaayos ng basketball court.

Naulila ni Echavez ang asawa at 4 na anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.