P3.4-M proyekto ng DPWH sa Baguio, gumuho

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at May 01 2018 01:10 AM

Gumuho ang P3.4 milyong slope protection project ng DPWH sa Baguio nitong Lunes ng hapon. Manny Santos

BAGUIO CITY - Gumuho ang ginagawang slope protection project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Barangay Pinsao Proper, Baguio City nitong Lunes ng hapon.

Ayon kay Engr. John Buliyat, project engineer sa DPWH, nasa P3.4 milyon ang pondong inilaan mula sa 2018 regular infrastructure program ng DPWH. 

Nagsimula ang konstruksyon noong Pebrero at target na matapos sa huling linggo ng Mayo.

Giit ng project engineer na kalidad naman ang materyales na ginamit ng contractor.

"Makikita natin yung mga bakal, talagang nakalagay naman diyan, yung cause nitong problem is na-saturate na itong lupa natin, yung curing period natin eh sumabay ang ulan hindi na natin nakuha yung strength niya," ani Buliyat.

Ayon sa Office of Civil Defense Cordillera, posible raw na ito ang dahilan ng pagguho ng lupa.

"Saturated na yung lupa that is one of the reasons why na tinitignan natin kung bakit nagkaroon ng landslide sa Tam-awan Village," ani Frances Ivy Carasi, information officer ng Office of Civil Defense.

Nagdulot ang pagguho ng pansamantalang kawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Puguis at Lamtang, La Trinidad. Naibalik ang kuryente matapos ang dalawang oras.

Kasalukuyan pang inaayos ng Benguet Electrc Cooperative, Inc. (Beneco) ang linya ng kuryente ng mga naapektuhan sa Barangay Pinsao Proper.

Itinatayang nasa P500,000 ang nasira sa slope protection project ng DPWH at nasa P500,000 din ang nasirang dalawang transformer at poste ng Beneco.

Ito ang kauna-unahang naitalang pagguho ng lupa sa Baguio ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.