P17.4 milyong halaga ng marijuana, sinunog sa Kalinga

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at May 01 2018 12:40 AM

Nadiskubre ng mga awtoridad ang 15 marijuana plantation sites sa bayan ng Tinglayan, Kalinga noong nakaraang linggo. Larawan mula sa Police Regional Office Cordillera

Nasa P17.4 milyong halaga ng marijuana ang sinunog sa Tinglayan, Kalinga nitong Abril 27 hanggang Abril 29.

Sa loob ng tatlong araw ng operasyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang 15 marijuana plantation sites sa Barangay Buscalan at Barangay Loccong sa Tinglayan.

Mayroong 847,000 na marijuana plants at 13,000 marijuana seedlings na nagkakahalaga ng P17.4 milyon ang mga nadiskubreng plantation site.

Patuloy ang imbestigasyon kung sino ang nagtanim ng mga marijuana. Wala kasing naaktuhan na cultivator sa lugar at inaalam pa kung may plantation site sa iba pang bahagi ng Tinglayan.

"Nagiging aggressive na ang mga kapulisan sa pag-gather ng information so sa paggather ng information ng ating kapulisan, nalaman natin na dapat mayroon pang i-eradicate na marijuana plantation sa Kalinga," ani Chief Insp. Carolina Lacuata, information officer ng Police Regional Office Cordillera.

Ayon sa PRO-Cordillera, nasa liblib na bahagi ng Tinglayan, Kalinga ang mga nasabing barangay at matagal na umanong hiling ng ilang residente na magkaroon ng farm-to-market road sa kanilang lugar.

Napipilitan daw na magtanim ng marijuana ang ilan dahil sa kawalan ng kalsada.

"So initially sabi nila, ito ay mas madali as compared sa pagtanim ng patatas, pagdating sa baba, lusaw na yung repolyo o crops nila," ani Lacuata.

Ayon naman sa Department of Public Works and Highways-Kalinga, sinisimulan na ang proyektong farm-to-market road at target itong matapos sa Disyembre.