Kagawad na 1 taon nang patay, kasama sa 'validated' narco-list ng PDEA

ABS-CBN News

Posted at May 01 2018 06:01 PM

Isang araw matapos ilantad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko ang kanilang "validated" narco-list, inuulan ngayon ng reklamo ang ahensiya mula sa ilang napabilang sa nasabing listahan.

Sumikip ang dibdib at di mapigilang umiyak ni Gloria Vicencio nang malamang nasa listahan ng PDEA ang pangalan ng mister.

Paano naman daw siya hindi magagalit gayong mahigit isang taon nang patay at nananahimik si Lauro, na dating kagawad sa Barangay Pantay Matanda, Tanauan, Batangas.

Napatay si Lauro noong Enero 2017 sa kanto ng kaniyang bahay at hanggang ngayon ay hindi pa kilala ang pumaslang.

“Bakit ang mga may kasalanan andiyan? Bakit siya ang nakalista, hindi naman siya ano sa droga, bakit gano'n?" ani Gloria.
 
"Ang asawa ko naging tapat sa serbisyo sa gobyerno, isa siyang sundalo...Sana naman po maging patas ang lahat at magkaroon siya ng katarungan,” hiling ng asawa ni Lauro. 

Si Guillermo Edrinal naman ng Barangay Cale sa Tanauan, nasa listahan din kahit matagal nang hindi kapitan.

Ang Barangay Pleasant Hills, Mandaluyong, na-award-an bilang lugar na "drug free" noong 2008, 2016, at 2017 pero napasama pa rin sa listahan ang kapitan na si Bernardo Evangelista.

"I call on all the agencies to check on me at wala kayong mapo-prove. Not even an iota of it, wala kayong makikita...At kung sakali, 'wag nang tokhang, kahit i-firing squad niyo ako," hamon ni Evangelista. 

Nitong Lunes, sinabi rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Bicol na ilan sa mga nasa narco-list doon ay hindi tama dahil nasa kulungan na ang iba at ang iba'y mali naman ang spelling ng pangalan.

Sa panayam kay PDEA Director General Aaron Aquino sa ANC, sinabi nitong tama ang narco-list dahil apat na ahensiya ang nagkumpirma nito: ang PDEA, Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

"Confirmed at validated lahat 'yung report...Nilalabas ko 'yung listahan kasi hindi ito chismis...Pinag-aralan namin ito. I'm ready to be sued," giit ni Aquino.

Ayon naman sa Commission on Human Rights (CHR), bagama't naintindihan nila ang pakay ng paglabas ng listahan, dapat daw ay kinonsidera muna ng PDEA ang constitutional right to due process ng mga nasa listahan. 

“Making public accusations without due process subjects those concerned to undue shame, violates their right to fair trial, erodes their dignity, and results to suffering of their families,” ayon sa pahayag ng CHR.

Samantala, nakahanap naman ang PDEA ng kakampi sa Catholic Bishops Conference of the Philippines na sinuportahan ang paglabas ng narco-list. 

Karapatan daw kasi ng publiko na malaman kung sino ang mga hindi na dapat iboto para na rin sa kapakanan ng mga kabataan at ng kanilang kinabukasan.  -- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.