Fresh grads, umuwing OFWs, lumahok sa Labor Day job fair

ABS-CBN News

Posted at May 01 2018 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaga pa lang ay nagtungo na ang fresh graduate na si Ronalyn Tapanan sa Quezon City Hall nitong Martes para makita kung siya ay papalarin na makakuha ng trabaho.

Noong umaga, naka-10 application na si Tapanan at pumasa pa sa tatlong initial interview.

"Masaya kahit mainit 'tsaka nakakapagod pero masayang pumasa ako sa initial [interview]," ani Tapanan.

Kasama si Tapanan sa libo-libong Pilipino na dumalo sa mga job fair na idinaos sa iba't ibang panig ng bansa nitong Araw ng Paggawa.

Una nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nasa 143,000 ang iniaalok nilang trabaho, kabilang dito ang 58,171 local employment at 84,914 trabaho sa ibang bansa.

Kasama rin sa mga nagbakasakali ang mga dating overseas Filipino worker (OFW), gaya ni Emeliza Gallard na umuwi mula Saudi Arabia noong isang linggo.

Inamin ni Gallardo na nakaranas siya ng problema sa dating amo pero desidido siyang makaalis ulit ng bansa.

"Iniisip mo 'yong family mo nasa 'Pinas, ikaw mag-isa ka lang doon," ani Gallardo. 

Dating waiter naman sa Kuwait si Cris Pepania, na tinanggap nang hindi siya makababalik dahil sa umiiral na deployment ban.

Pero ayon kay Pepania, mahirap makakuha ng bagong trabaho sa iba pang bansa.

"New Zealand sana kaso offer doon welding, eh nasa line ako ng food services," aniya. 

Ayon naman kay DOLE-NCR Director Henry John Jalbuena, hindi madaling tapatan ang mga dating trabaho ng mga umuwing OFW pero sana ay maging bukas sila sa ibang oportunidad.

"Kung gusto nilang magkaroon ng upgrading ng kanilang skills... the assistance is there lang," sabi ni Jalbuena.

Sa tala ng DOLE, umabot sa 34,359 ang bilang ng mga aplikanteng pumunta sa buong araw na job fair, kung saan umabot sa 20 porsiyento o 4,304 ang "hired on the spot" o agad nabigyan ng trabaho.

Nitong Araw ng Paggawa rin inanunsiyo ng opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinirmahan ng Pangulo ang isang executive order na nagwawakas sa ilegal na kontraktuwalisasyon.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.