'Mga bayaning puyat': Mga empleyado ng BPO lumahok sa Labor Day protests

ABS-CBN News

Posted at May 01 2017 10:03 AM

MAYNILA - Deretso mula sa graveyard duty, tumungo sa kalsada ang mga empleyado ng ilang kompanyang business process outsourcing (BPO) para lumahok sa mga protesta ngayong Araw ng Paggawa.

Lunes nang umaga tumungo sa Buendia ang mga miyembro ng grupong BPO Employees Industry Network.

Nakatakda silang magmartsa patungo sa ilang kompanyang BPO para sunduin ang iba pa nilang miyembro bago tumungo sa Liwasang Bonifacio.

Ayon kay Michael dela Concepcion, pinuno ng grupo, nais nilang ihayag sa gobyerno ang hirap na kanilang dinaranas sa trabaho.

Kabilang na aniya rito ang pabago-bago at extended na shift, kawalan o kakulangan ng sapat na gamit sa trabaho, at napakaliit na sahod kompara sa mga empleyado ng mga kompanyang BPO sa ibang bansa.

Ang malala pa aniya ay binabawasan nang binabawasan ang benefits ng mga manggagawa ng ilang kompanyang BPO dahil sa pagtitipid.

Dagdag pa ni Dela Concepcion, may ilan pang mga empleyado na inilagay sa "floating status" nang malaman ng mga employer na sila ay miyembro o opisyal ng unyon.

Sa katunayan, may mga kasamahan umano silang hindi nakasali sa protesta dahil hinold ng kompanya ang kanilang lunch break.

Sabi ni Dela Concepcion, "bayaning puyat" na ang tawag nila sa kanilang mga sarili dahil hindi pa rin sila umaalis sa trabaho sa kabila ng hirap na dinaranas nila.

Kasabay ng paghahayag ng kanilang mga problema, inilatag rin ng grupo ang kanilang mga hiling mula sa gobyerno.

Una rito ang pagiit sa accountability ng mga kompanyang BPO dahil minsan umano ay basta-basta na lang naaalis nang walang separation pay ang mga manggagawa, regular man o hindi, dahil sa maliliit na violation.

Ikalawa, nais ng grupo na magkaroon ng national minimum wage sa mga kompanyang BPO sa buong bansa sa pagkat may mga empleyadong sumasahod lang ng P6,000 sa ilang probinsiya.

Paliwanag nila, nagiging gawain ng ilang kompanyang BPO na maghanap ng mga probinsiyang may pinakamababang minimum wage para doon magtayo ng opisina.

Giit din ng grupo na gawing regular ang mga manggagawa sa sektor ng BPO. Paliwanag nila, uso sa industriya ng BPO ang project-based o seasonal employment.

Meron din umanong mga empleyadong hindi nagiging regular dahil pinapalawig nang pinapalawig ang kanilang probationary status.

Huling giit ng grupo ay ang pagkilala ng mga industriya ng BPO sa mga unyon.

Ayon sa kanila, sa buong bansa ay iisa lang ang kompanyang BPO na may lehitimong unyon.--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News