Taiwan bilang bagong destinasyon ng OFWs itinutulak ng grupo

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa kabila ng COVID-19 pandemic na nakaapekto sa buong mundo, may nakikitang oportunidad ang isang grupo ng manpower agency sa mga bansang mababa ang kaso ng naturang sakit.

Isa na dito ang Taiwan, na nanatiling bukas sa foreign workers dahil nakontrol naman nila ang pagkalat ng COVID-19 doon.

Ayon sa isang grupo, 4,000 Pinoy na papunta sanang Taiwan ang nabulilyaso ang pag-alis nang abutan ng enhanced community quarantine.

Pero ang magandang balita ayon sa Pilipino Manpower Association for Taiwan (PILMAT), walang kinanselang kontrata ang mga Taiwan employer.
    
Wala ring tinanggal sa mga Pilipinong kasalukuyang nagtatrabaho doon at niluwagan pa nga ang regulasyon sa mga overstaying.

"Wala silang lockdown. Tuloy ang kanilang trabaho, mga workers tuloy ang trabaho nila, and then they need manpower... 'Yung mga overstaying sa Taiwan, Taiwan government gave them 3 months, 3 months extension para kasi makatulong dun sa mga manpower shortage ng Taiwan," ani Aida Gerodias, presidente ng PILMAT.

Kumpiyansa ang PILMAT na ligtas ang mga Pilipino kung papayagang magtrabaho sa Taiwan.

Tingin ng PILMAT, maaari ring makinabang sa oportunidad sa Taiwan ang mga OFW na umuwi mula Middle East.
    
Wala sanang problema dahil tuloy pa rin ang pagproseso ng Overseas Employment Certificate (OEC) ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ang problema, sarado ang visa processing dahil sa quarantine.

Kaya hihilingin ng PILMAT sa POEA at kay Labor Secretary Silvestre Bello III na kausapin ang Taiwan Economic and Cultural Office para magbukas.
    
Bukas naman si Bello para dito pero aminado siya na nakadepende sa IATF kung papayagang magbukas ang mga manpower agency.

Sa inisyal na taya ng DOLE, nasa 70,000 ang mga OFW na naapektuhan ang trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.