Scammer timbog sa pagkubra ng donasyon sana para sa COVID-19 fund drive

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 06:56 PM

MAYNILA — Arestado ng pulisya noong Miyerkoles ang isang taxi driver na umano’y nagpanggap na hepe ng Department of Public Works and Highways (DPWH) region 8 at humingi sa isang contractor ng pera pang-ayuda umano sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

Huli sa aktong kinukubra ni Ramon Segundo sa isang money transfer service sa Novaliches ang perang donasyon para sa umano'y COVID-19 fund drive.

April 20 nang makatanggap ng tawag sa telepono ang government contractor na si Wilfrid Alli mula sa nagpakilalang director ng DPWH Leyte at humihingi raw donasyon. 

"Akala ko naman si director, ang boses kase kapareho ng accent. Magbibigay daw sa mga empleyado ng rice, de-lata para matulungan," kuwento ni Alli.

Nagpadala siya ng P150,000 sa money transfer pero hiniritan pa uli siya ng P300,000 kinabukasan. Dito na siya nag-usisa at natuklasang scammer pala ang pinadalhan niya. 

Agad na humingi ng tulong sa PNP anti-cybercrime group (ACG) si Alli at isinagawa nila ang entrapment operation.

Sa Novaliches kinubra ng nagpanggap na DPWH official ang pera at doon din siya natimbog.

Ayon naman sa suspek, nautusan lamang siya na kumubra ng pera.

"Nautusan lang ako, may 12 percent commission sa bawat makukuha," aniya.

Ayon sa PNP-ACG, nasa lagpas 10 kaso ang iniimbestigahan nila na may kinalaman sa COVID-19 lalo na sa online scam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.