Paring namatay sa Tagum City, nakumpirmang positibo sa COVID-19

Vina Araneta, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 08:59 PM | Updated as of Apr 30 2020 10:11 PM

TAGUM CITY - Nagpositibo sa COVID-19 ang isang paring namatay sa Tagum City noong Lunes.

Ang 51 anyos na pari ang itinuturing na unang COVID-19 related death sa lungsod. Lumabas na positibo ang kaniyang test nitong Miyerkoles, dalawang araw matapos siyang mamatay.

Ayon sa report, walang travel history ang pari sa ibang bansa pero madalas itong bumiyahe sa Davao City mula noong Pebrero.

Naging mahirap para sa COVID-19 City Task Force ang pagsasagawa ng contact tracing dahil na-stroke ito. Nasabihan na rin umanong mag-home quarantine ang ibang mga nakasalamuha ng namatay na pari.

Ayon pa sa lokal na pamahalaan ng Tagum, may pneumonia na nang nagpaospital ang pari sa Davao Regional Medical Center sa Tagum noong Abril 21.

Ayon kay Tagum City Information Office OIC Louie Bryan, naging suspect coronavirus case ang pari dahil sa naranasan nitong pneumonia.

Dahil sa nangyari, kahit inirekomenda na ng Inter-Agency Task Force ng national government na isailalim sa general community quarantine ang Davao del Norte, ipagpapatuloy ng probinsya ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine hanggang Mayo 15.

Sa huling tala ng Department of Health Region XI, 9 ang confirmed cases ng COVID-19 sa Davao del Norte. Hindi pa kasali dito ang bagong kaso.

Umabot na sa 8,488 ang kabuuang bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas nitong Huwebes. Umabot naman sa 1,043 ang mga gumaling na habang 568 na ang namamatay dahil sa sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.