Pamilya ng nawawalang seaman, umapela ng tulong

Micaella Costales Ilao, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 08:43 PM | Updated as of Apr 30 2020 10:12 PM

Naglalayag ang barkong Jiaolong mula Texas sa United States papuntang South Africa nang biglang maglaho ang Pinoy seaman na si Cristito Acosta. Larawan mula kay Criselda Acosta-Dulay


Patuloy na nag-aalala ang pamilya ng isang 23-anyos na seaman mula sa lalawigan ng La Union dahil may isang linggo na itong nawawala habang naglalayag ang barko kung saan ito nagtatrabaho.

"Masakit talaga sa'min 'yung nangyari sa anak ko. 'Yung unang sampa at pangalawang sampa niya sa barko walang nangyari sa kaniya. Ngayon lang na ganito, nawala siya,” pahayag ni Felicidad Acosta, ina ni Junior 3rd Officer Cristito Acosta.

Ayon sa pamilya, Abril 23 nang maiulat ng manning agency ni Acosta sa kanila na nawawala ito habang naglalayag ang barko nilang Jiaolong Spirit mula Texas sa Amerika patungong South Africa.

“Bandang 6:45 p.m., hindi pa duty ng anak ko, sabi nila magre-relieve daw 'yung anak ko sa naka-duty ng 6 to 6:45 p.m. kasi magdi-dinner sa kitchen 'yung karelyebo niya. Nung bumalik na 'yung naka-duty 'di na nila makita 'yung anak ko kung saang parte ng barko pumunta,” sabi ni Felicidad.

Nasa bahagi ng Atlantic Ocean ang barko kung saan nagtatrabaho si Acosta nang mangyari ang insidente.

Nagkaroon umano ng search and rescue operation ng tatlong araw ang US Navy pero walang nakitang katawan sa dagat kaya nagpatuloy sa paglalayag ang barko.

Hindi kumbinsido ang pamilya ni Acosta.

“Sana po ulitin po 'yung paghahanap sa loob ng barko kasi kung nandun siya sa dagat, nandun na dapat 'yung katawan niya. Nananawagan po kami na 'yung kasuluk-sulukan ng barko ay i-search po nila. Malakas po 'yung pakiramdam namin na buhay po 'yung kapatid ko at nandoon lang po 'yung katawan niya,” sabi naman ng kapatid ni Acosta na si Criselda Acosta-Dulay.

Hinala din nila posibleng sinaktan si Acosta dahil ayon sa kaibigan nito na seaman din, pinag-iinitan umano siya ng kaniyang mga katrabahong dayuhan.

Pero 'di pa sigurado kung ano ang dahilan.

“May nagsabi na mga kaibigan niya na pinag-iinitan daw siya ng kaniyang chiefmates,” dagdag ng kaniyang ina.

Lumapit na sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ng Region 1 ang pamilya ni Acosta at nangako namang tutulungan sila.

Nais sana ng pamilya ni Acosta na magkaroon ng imbestigasyon. Pero paliwanag ng OWWA na kapag nakadaong na ang barko saka lang puwedeng mag-imbestiga. Sa Mayo 16 pa inaasahang dadaong sa South Africa ang barko.

Humihiling ngayon ang pamilya sa manning agency ni Acosta na pilitin ang shipping line na hanapin ulit si Acosta sa barko.

Wala pang pahayag mula sa manning agency ni Acosta.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.