Ospital ng Malabon idi-disinfect matapos mahawa ng COVID-19 ang 4 na staff

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 07:16 AM

MANILA - Titigil pansamantala ang Ospital ng Malabon na tumanggap ng non-COVID-19 positive na mga pasyente simula ngayong Huwebes para magbigay daan sa disinfection ng pasibilidad, sinabi ni Mayor Antoline Oreta. 

Ito'y matapos aniyang mahawa ng COVID-19 ang 4 na health workers ng ospital. 

Magsasagawa rin aniya ang mga awtoridad ng contact tracing sa mga kasamahan sa trabaho na nakasalumuha ng 4. Sasailalim sa swab test ang mga nakakaramdam na ng sintomas at ilalagay isolation areas upang mag-quarantine. 

Mananatili namang bukas ang emergency room, laboratory, at radiology section para sa mga out-patient. Patuloy din ang operasyon sa amphitheater o medical management area para tumugon sa mga suspect at probable COVID-19 cases sa Malabon. 

Inaasahang babalik muli sa full operations ang Ospital ng Malabon sa susunod na Huwebes, Mayo 7, ani Oreta. 

Sa kabuuan, nakapagtala na ang lokal na pamahalaan ng nasa 51 na kaso ng COVID-19 sa lungsod, kabilang ang 12 na nakarecover at 9 na nasawi. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.