Mga nasa wellness sector na tigil-operasyon pa rin sa 'new normal' hiling na maayudahan

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 05:49 PM | Updated as of May 01 2020 10:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngayong hindi pa rin pinapayagang magbalik-operasyon ang mga nasa fitness, entertainment, at wellness sector kahit pa ibaba ang lockdown sa general community quarantine, nananawagan ngayon ang mga trabahador sa nasabing sektor na mabigyan din sila ng ayuda. 

Isa rito si Tart Carlos, isang comedy bar performer at host. 

Mabigat aniya ang intindihin niya ngayong wala pang linaw kung ano ang plano ng gobyerno ngayong kasama pa rin siya sa "no work, no pay sector," sakaling ilagay sa general community quarantine ang Metro Manila. 

Alalahanin niya aniya ang staff ng mga comedy bar na "no work, no pay" din kung ituring. 

"Kung ano yung kikitain namin, yun ang gagastusin namin. Sa aming hosts yun. Paano Kuya yung mga staff namin? Yung mga staff namin na maliit lang din ang kinikita. Kasi maliit lang naman po Kuya ang suweldo nila. Mas malaki concern po sa kanila, kasi pamilyadong tao rin po sila," ani Carlos. 

Dumadaing naman ngayon ang may-ari ng La Famosa Wellness Spa sa Makati dahil wala pa umanong tugon ang Department of Labor and Employment sa aplikasyon nila para sa tulong-pinansiyal ng mga empleyado. 

"Kaya sabi ko nga, kailangan, makaano naman kami ng kahit na assistance from the government, para naman maka-survive naman yung staff ko. Kasi di pa sila talaga makakapasok eh, Kung halimbawang mag-open man," ani Farrah Villanueva, may-ari ng spa. 

Namomroblema rin ang fitness coach na si Ace Rubio ngayong magdadalawang buwan na siyang walang trabaho. 

Baon din aniya siya sa utang. 

Kaya apela niya, bigyang-konsiderasyon ang mga gaya niya para makahanap ng solusyon sa kanilang mga problema. 

"May mga tao pong umaasa sa'min, may mga pamilya rin po kaming kailangan naming suportahan, may mga utang po kami na dapat bayaran, na kung wala po kaming hanapbuhay, di po namin alam kung paano mababayaran, matutustusan yung mga pangangailangan namin," ani Rubio. 

Batay sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, bawal munang magbalik-operasyon ang mga nasa fitness at wellness sector sa ilalim ng general community quarantine o ang tinatawag ng gobyerno na "new normal" ngayong may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Magmula Miyerkoles, may 8,488 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, nasa 1,043 naman ang gumaling sa sakit at 568 ang namatay. 

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.