Mga misa, ilan pang uri ng pagtitipon papayagan sa general quarantine

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 03:21 PM | Updated as of Apr 30 2020 07:53 PM

MAYNILA -- Papayagan na ang pagdaraos ng mga misa at iba pang "essential gathering" o pagtitipon sa mga lugar na sasailalim sa general community quarantine simula Biyernes, sabi ngayong Huwebes ni Interior Secretary Eduardo Año.

Maaari lamang magsagawa ng mga gathering o pagtitipong may kinalaman sa trabaho o relihiyon sa mga lugar na naka-general community quarantine, o iyong tinatawag na "new normal," basta ang mga dadalo ay susunod sa 2-meter physical distancing, magsusuot ng face masks o face shields, at may thermal scanning at hand sanitation.

"Ang mass gatherings ay prohibited pa rin except 'yung tinatawag natin na relevant activities like in line of work and religious activities like Mass," ani Año.

Wala umanong napagkasunduan bilang ng mga dadalo sa mga essential gathering basta masunod ang mga patakarang inilatag ng gobyerno.

Watch more in iWant or TFC.tv

ILOILO, BACOLOD NADAGDAG SA LISTAHAN NG ECQ

Samantala, nadagdag naman ang Bacolod City at Iloilo City sa listahan ng mga lugar kung saan palalawigin ang enhanced community quarantine.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mga sumusunod ang mga lugar na mananatili sa enhanced community quarantine hanggang Mayo 15.

  1. Metro Manila
  2. Central Luzon except Aurora
  3. Southern Tagalog Region (CALABARZON)
  4. Pangasinan
  5. Benguet
  6. Iloilo including Iloilo City
  7. Cebu
  8. Bacolod City
  9. Davao City

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, mahigpit na pinag-uutos sa mga tao na manatili sa loob ng kanilang mga bahay para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Sa tala noong Miyerkoles, umabot na sa 8,212 ang bilang ng mga taong positibo sa COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 1,023 ang gumaling na. -- Ulat nina Pia Gutierrez at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.