Mga mayor, konsehal sa Albay, umaapela na ituloy ang enhanced community quarantine sa lalawigan

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 05:33 PM | Updated as of Apr 30 2020 06:27 PM


Umaapela ang mga alkalde at konsehal sa Albay na ituloy ang enhanced community quarantine (ECQ) sa lalawigan dahil sa pagdami pa rin ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa lugar.

Ito'y sa gitna ng pagtatapos ng Luzon-wide lockdown, at mga piling lugar na lamang ang isasailalim sa ECQ magmula Mayo 1. Ang Albay ay isa sa mga lugar na isasailalim na sa general community quarantine (GCQ), kung saan may mga papayagan nang aktibidad na bawal pa rin sa lockdown. 

Mag-iisang linggo nang naka-lockdown ang Barangay 28, Victory Village sa Legazpi City.

Tatlo na kasi ang nagpositibo sa COVID-19 sa barangay, kabilang ang mismong kapitan ng barangay at isang barangay kagawad.

Ayon kay Alkalde Noel Rosal, naka-quarantine na ang lahat ng naka-close contact ng dalawang opisyal kasama ang iba pang barangay officials at nakatakdang ipasailalim sa swab test.

Sa 39 na nagpositibo sa COVID-19 sa rehiyon, 12 ang mula sa Legazpi City na siyang may pinakamataas na kaso.

Kaya nangangamba si Rosal na posible pang dumami ito lalo pa't ipapasailalim na sa general community quarantine ang Albay simula bukas hanggang Mayo 15.

Nitong Miyerkoles, nagpadala ng sulat si Rosal sa Inter-agency Task Force ng national government, laman ang apela kay Pangulong Rodrigo Duterte na isama pa rin ang Legazpi City sa listahan ng mga lugar na isasailalim sa ECQ hanggang Mayo 15.

"Pag may GCQ na siyempre luluwag tayo gaya sa curfew kaya ito ang kinakatakutan namin," ani Rosal.

Hindi rin pabor ang League of Municipalities Albay Chapter na ipasailalim na sa GCQ ang Albay.

"Hindi masaya ang mga Mayors, sa biglaan na ginawa nang GCQ ang buong Albay, talagang hindi pa tayo handa. Marami pa ang dapat na i-mass testing at tracing," ani Libon Mayor Das Maronilla, presidente ng League of Municipalities sa Albay.

"Sa totoo lang po hindi pinag-isipan at hindi kami kinonsulta, for example 'yong IATF ng Bicol Region o ng Albay, hindi kinonsulta," dagdag pa niya.

Maging ang Philippine Councilors League (PCL) Albay Chapter nagpalabas na din ng resolution laman ang parehong apela na manatili sa ilalim ng ECQ ang Albay.

"Napag-usapan po ng mga councilors na kung pu-pwede magkaroon muna sana at least ng mass testing para at least 'yung mga tao natin dito sa lahat po ng probinsiya ng Albay ay hindi po maging alarma lagi na mayroon pa rin pong lumalabas na positive case," paliwanag ni Jesciel Richard Salceda, ang presidente ng PCL sa Albay.

Sa 39 na nagpositibo sa COVID-19 sa Bicol region, 4 na ang namatay. Tatlo sa mga ito ay galing sa Albay.

Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ukol sa isyu ang IATF Bicol.

Umabot na sa 8,488 ang kabuuang bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas nitong Huwebes. Umabot naman sa 1,043 ang mga gumaling habang 568 na ang namamatay dahil sa sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.