Mga barbero, parlorista rumaraket muna habang may lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 07:50 PM

MAYNILA — Napuruhan ng extended community quarantine ang kabuhayan ng mga barber shop at parlor kaya kaniya-kaniya silang paraan para maitawid ang kanilang pang-araw-araw.

Kuwento ng barberong si Carlos Barraca, hirap na hirap daw sila sa buhay ngayon matapos isara ang karamihan ng establisimyento para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Magdadalawang buwan nang sarado ang mga barber shop at parlor, at dahil komisyon ang kita sa bawat kostumer, walang pumapasok na income ang mga nagtatrabaho sa mga pagupitan.

"Mahirap kasi todo-tipid. Kung wala kang pera ngayon, mamatay ka sa gutom, kasi ano ibibili mo ng pagkain tas yung mga barangay isang beses o dalawang beses magbigay sa isang buwan kaya kailangan ko mag-service para may pangkain araw-araw," ani Barraca.

Kahit papaano ay kumikita si Barraca sa pagse-service sa kaniyang mga regular na kliyente.

"Sinasabi ko sa kanila, bahala na po kayo kung magkano ibibigay. Wala kami magawa kaysa magmukmok kami rito araw-araw," aniya.

Sarado rin ang isang barber shop na naabutan ng ABS-CBN News pero umamin ang may-ari na tumatanggap pa rin sila ng mga kostumer na kaibigan at kaanak.

Ang parlorista namang si Belen Reantaso, sinabing siya mismo ang umaayaw magserbisyo dahil takot madikit sa mga kostumer.

"Di talaga puwede kasi iwas tayo, di talaga natin alam kung sino meron," ani Reantaso.

Sa ngayon, hindi pa maisip ng mga barbero at parlorista kung hanggang kailan pa nila kakayanin ang ganitong sitwasyon.

Pinaplantsa na ng pamahalaan ang mga patakran ng mga parehong establisimyento sa ilalim ng "new normal" kapag wala nang lockdown.

—Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.