Lolo na pumunta sa barangay para magtanong tungkol sa cash aid na-stroke, patay

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 04:36 PM | Updated as of May 01 2020 10:17 PM

Watch more in iWantTFC

Patay ang isang 62 anyos na lalaki matapos ma-stroke habang nakapila para sa cash aid ng gobyerno sa Barangay Lias, Marilao Bulacan.

Kinilala ang biktima na si Sonny Candelara, na pumunta sa barangay hall para alamin kung bakit wala pa siyang natatanggap na cash aid mula sa lokal na pamahalaan.

Ayon sa anak na si Leopoldo Rivera, una silang naabisuhan na house-to-house silang bibigyan ng papel sa pagpapamahagi ng ayuda.

Pero wala umanong natanggap si Candelara kaya nagtungo ang senior citizen sa barangay hall para hanapin ang kaniyang pangalan, batay sa kuha ng CCTV. Ikinagulat na lang ng mga taga-Barangay na sumama ang pakiramdam ni Candelara.

"Sabi niya 'naku, hindi ko magalaw kaliwa ko, nadale yata ako," ayon sa barangay kagawad na si Vandolf Mateo.

Tumaas din umano ang blood pressure ni Candelara nang mangyari ang insidente. Dinala sa ospital si Candelara pero binawian ito ng buhay.

Ikinalungkot ng pamunuan ng Barangay Lias ang nangyari. Pero nanindigan sila na hindi umano nila pinapila si Candelara.

"Nakalista 'yong anak niya. Ibang angkan niya nakalista naman po wala pinipili ang barangay. Ang nangyari po, senior citizen na si Sonny sana hindi na po siya nagpunta roon," ayon kay Ronaldo Marcelo, kapitan ng barangay.

Hangad ngayon ng pamilya ni Candelara na maiburol ito lalo't hindi naman COVID-19 ang ikinamatay ng kaanak.

Pero ayon sa kawani ng Marilao LGU, inirerekomenda ang cremation sa gitna ng banta ng coronavirus.

"Hangga't maaari, kumbinsihin na idiretso na lang sa libing," ani Josephine Santiago, operations chief ng Malolos Incident Management Team.

Iginiit din ng lokal na pamahalaan na estrikto ang pagpapatupad nila ng physical distancing.

Iniimbestigahan na rin nila ang insidente at sisiguruhing aaksyunan ito para maging maayos ang pamamahagi ng ayuda.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.