Lalaking nagbebenta ng overpriced thermal scanner timbog sa Iligan

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 01:44 PM

ILIGAN CITY — Arestado sa lungsod na ito ang isang lalaki matapos umanong magbenta ng overpriced na thermal scanner, sabi ngayong Huwebes ng lokal na National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Abdul Jamal Dimaporo, hepe ng NBI-Iligan, ibinebenta ng lalaki ang mga thermal scanner sa halagang P5,600 hanggang P5,800 gayong nasa P4,500 ang suggested retail price ng produkto.

"It should not go beyond that," sabi ni Dimaporo.

Nakumpiska umano sa suspek ang nasa 41 piraso ng thermal scanner.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Price Act at Bayanihan Act, ayon kay Dimaporo. -- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.