'Harapin mo ang katotohanan': Psychologist may payo sa gitna ng pandemic

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 03:06 PM

MAYNILA — Papasok sana sa bago niyang trabaho sa bangko ngayong Abril si Stephen Castillo. Pero dahil sa pandemic ng COVID-19, napurnada ito, dahilan para makaranas siya ng labis na pagkabalisa.

Idinetalye niya ang isang beses na halos hindi siya pinatulog ng kaniyang labis na pag-iisip. 

"Kasi mayroon akong asthma, nag-panic ako... Tapos 'yung worry na baka ma-infect, sobrang nahirapan na ko, lagi ako nagwo-worry, tapos wala akong appetite, parang 16 hours lang sleep ko the whole week, di ako makatulog," aniya. 

Tumagal nang 2 linggo ang nararamdaman ni Castillo, kaya nagpasya na siyang humingi ng tulong. Sabi raw ng mga doktor kay Castillo, klase ng anxiety attack ang nangyari sa kaniya.

"Ang hirap pala ng mag-stay at home lang, depende siguro sa habit ng tao. Excited kasi ako pumasok... Nagpa-online consultation na'ko, sobrang nakatulong talaga... They gave prescription medicine, very thankful ako kasi sobrang understanding ng parents ko and sinamahan nila ako," aniya. 

Paliwanag ng eksperto, normal na makaramdam ng pangamba at stress ang tao ngayong panahon ng pandemic dahil sa pag-aalala na rin sa kalusugan at kabuhayan. 

"Sa panahon pa naman ang hirap kumuha ng mga raket. Napakalungkot, napakatinding dagok… Itong panahon ng COVID-19, nagbabago ang rhythm of life for many people... Feeling mo di ka na normal, kailangan ng reorientation," sabi ni Violeta Bautista, direktor ng grupong UP Diliman PsycServ. 

Dagdag ni Bautista, normal din sa tao na gustong maging productive o laging may inaatupag at naghahanapbuhay. 

Pero kailangang harapin ang katotohanan na hindi pa lahat ng nakagawian o kailangan ay posible sa sitwasyon ngayon.

"Tanggapin mo 'yung nangyayari sa kasalukuyan, huwag mo i-deny, huwag mo takasan. Kasi 'yan ang katotohanan... Ang idea is tulungan mo sarili mo para malampasan mo ito."

Sabi pa ni Bautisa, dapat naman ikonsiderang kumonsulta na sa eksperto 'pag tumagal nang 2 linggo ang mga sintomas ng mental distress gaya ng labis na pagkalungkot, walang gana kumain, hindi nakakatulog, kabado at masama lagi ang naiisip. 

Kabilang ang UP Diliman PsycServ sa nagbibigay ng libreng "telepsycho therapy." Mokokontak sila sa text o Viber sa mga numerong 09063743466 at 09167573157.

Sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), lumobo na rin ang bilang ng tawag sa kanilang crisis hotline mula nang magsimula ang quarantine.

"Perhaps we have 200 calls... Hindi lang ito sa Philippines... The OFWs are connecting with this hotline crisis and we relay whatever messages they have," ani NCMH chief Cortez.

Payo naman ni Cortez, habang nasa bahay, mahalaga na patibayin ang relasyon sa pamilya at pag-usapan ang nararamdaman. 

Tumatanggap pa ang NCMH ng mga pasyente pero pili lang sa mga may emergency o malalang kaso na ng kalagayan sa pag-iisip. 

Ang crisis hotline ng NCMH ay 09178998727.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.