Halaga ng pautang ng GSIS dinoble, calamity loan ng SSS 'coming soon'

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 04:44 PM | Updated as of Apr 30 2020 07:35 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Dinoble ng Government Service Insurance System (GSIS) ang halaga ng maaaring utangin ng mga kawani ng gobyerno na umaaray sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

Mula P20,000, ginawa nang P40,000 ang halaga ng calamity loan ng GSIS. 

Paliwanag ni GSIS president at general manager Rolando Macasaet, marami kasi sa mga miyembro nila ang may existing pang utang kaya kung ipapako lang sa P20,000 ay wala nang makubrang proceeds ang loaning member.

Bukas ang calamity loan sa lahat ng miyembro kabilang na ang mga pensioner.

Samantala, inanunsiyo rin ng GSIS na paaagahin sa Mayo 5 ang labas ng pension na dapat sana ay Mayo 8 pa. 

SSS

Samantala, sinabi naman ng Social Security System (SSS) na hindi muna nila mapoproseso ang mga nais mag-avail ng calamity loan dahil nakatutok sila sa Small Business Wage Subsidy (SBWS).

Ito ay programa ng pamahalaan para maayudahan ang mga empleyado ng maliliit na negosyo. 

Naglatag ng 3 paraan ang SSS para makahain ng aplikasyon ang employers para sa SBWS. 

Una ay sa pamamagitan ng my.sss account na available lang sa mga employers muna.

Puwede rin sa pamamagitan ng pag-submit ng E4 Forms na makukuha sa isang secure link na ipadadala ng SSS sa email ng mga kwalipikadong kompanya.

Ang pangatlo ay ang pag-fillout ng application form ng mga employers sa hyperlink na sbws.sss.gov.ph, ang site na inilaan sa mga subsidy applications.

Sabi naman ni Fernan Nicolas, tagapagsalita ng SSS, pagkatapos maasikaso ng SBWS ay tsaka pa lang nila mabibigyang pansin ang calamity loans kaya konting tiis lang daw muna. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.