DILG: Mga senior na walang kasama puwedeng mamili ng pagkain, gamot habang GCQ

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 12:27 PM

MAYNILA - Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government secretary Eduardo Año na papayagang lumabas para mamili ng pagkain o gamot ang mga senior citizen na walang kasama sa bahay. 

Ito ay matapos umalma ang ilang senior citizen sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na pagbawalan lumabas ng bahay ang mga 60 anyos pataas kapag nasa ilalim ng general community quarantine ang tinitirhang lugar. 

May mga itatalaga ring special lane para sa mga ito, dagdag niya. 

Pero payo ng kalihim, huwag nang lumabas kung hindi naman kinakailangan ngayong may banta sa coronavirus. 

"Hindi na ito absolute na ang 60 years old and up ay hindi na pwedeng lumabas. Pero 'yung mga wala namang dahilan, may mga kasama naman sila, eh please naman huwag na kayong lalabas kasi hindi talaga biro itong COVID" ani Ano. 

Nilinaw na rin ng Department of Trade and Industry na pinapayagan namang umalis ng bahay ang mga senior citizen, partikular na ang mga kailangang bumili ng mga pagkain, gamot, sa mga lugar na isasailalim sa general community quarantine. 

Sinabi rin ni Lopez na maaaring umalis ang mga senior citizen na may pinapatakbong mga negosyo. 

Sumulat sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Atty. Romulo Macalintal, isang senior citizen advocate, na hindi patas ang ginawang panuntunan.

"Bagamat sa tingin ninyo ay mga senior na kami ay hindi pa naman kami inutil. Dapat magkaroon ng mga qualifications, distinctions… Halimbawa mga physically fit naman, malalakas pa kami, employed, siguro dapat magkaroon ng ganyang consideration,” ani Macalintal. 

Panawagan naman ni George Banal Sr. pangulo ng Metro Manila chapter ng Federation of Senior Citizens Association - Philippines , magkaroon ng konsiderasyon sa mga senior at kung maaari ay pagbawalan lamang ang mga maysakit at mga hindi na kayang lumabas. 

"It will be very unfair kung kami'y hindi palalabasin ng bahay. Siguro kailangan medyo i-relax nang konti ang restriction. Hindi naman dapat lahatin dahil ang mga nakatatanda ay mas prudent, mas responsable, mas takot diyan sa COVID,” ani Banal. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.