Dahil sa bagsak-presyong petrolyo: Bawas-delivery fee inihirit ng grupo

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 06:28 PM | Updated as of Apr 30 2020 06:29 PM

MAYNILA — Nanawagan ang isang consumer group na ibaba na ang delivery fee sa lahat ng mga ipinapadala ngayong lockdown dahil ilang beses na rin naman bumaba ang presyo ng petrolyo simula Enero.

Ngayong lockdown, dalawa lang ang pagpipilian ng mga konsumer: ang makipagsapalaran sa pagbili ng mga kailangan sa grocery o palengke o magpa-deliver na lang.

Hinaing naman ng ilan, matagal ang ilang delivery at mahal din ang singil na delivery charge. 

Aminado ang marami na hindi pasok sa budget ang pag-online shopping kaya hanggang ngayon, madami pa ring nagsisiksikan sa palengke.

Kaya panawagan ng Laban Konsyumer sa mga nagpapa-order online at mga delivery companies, ibaba na ang presyo ng delivery fee nang hanggang 30 porsiyento.

Ayon kasi sa grupo, umaabot na sa 37 porsiyento o di bababa sa P15 kada litro ang ibinagsak ng presyo ng gasolina at diesel.

"Ang laki ng savings nila sa diesel eh pero depende pa kung anong ginagamit nilang motor. Pero kung bawasan nila halimbawa 30 percent, sabihin mo na 25 to 30 percent. 'Yung P70 babayaran magiging P40 na lang, malaki na ang tulong sa consumer," ani Vic Dimagiba, presidente ng grupo. 

BUWIS-BUHAY

Pero kung ang CEO ng isang online palengke at ilang riders ang tatanungin, hindi lang naman ang diesel ang pinag-uusapan kaya mahal ang delivery fee. 

"It's not just about petroleum products, fuel prices. It's also the law of supply and demand. With our current pandemic, supply of riders shouls be affected so mas konti sila ngayon kaya siguro nag-increase," ani James Tiu, CEO ng Farmville Agricultural Source Team.

"Lalo ngayon panahon ng ECQ, madaming sarado paikot-ikot kami, dun kami natatalo sa gasolina. 'Yung pinakamahirap ngayon 'yung mga checkpoint at 'yung mga lugar. Ngayon mas mahirap kasi doble 'yung risk kasi kalusugan din namin," ayon naman sa rider na si Maurice Malihan.

Ayon sa Department of Trade and Industry, pinag-aaralan nila ang mga hinaing ng konsumer groups at negosyante. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.