College student umakyat ng bundok para makapagpadala ng requirements

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 01:14 PM

MAYNILA -- Kahit bundok ay kayang akyatin, mairaos lang ang pag-aaral.

Ganito ang kuwento ni Franz Berdida, isang estudyante ng Mapúa University na umakyat noong Martes sa isang bundok sa Burias Island, Masbate para lang makasagap ng internet connection at maisumite ng requirements sa klase.

Ayon sa dalaga, na kumukuha ng kursong civil and sanitary engineering, noong gabi ng Martes ay may nakatakda siyang exam at submission of requirements.

Maluwag naman raw ang kaniyang propesor, pero gusto lang talaga niyang makakuha ng exam at makapagsumite ng requirements.

"Students are given every chance naman na makapagpasa ng requirement. Pero for me kasi, gusto ko lang maging on time sa pagpasa kasi ayoko ma-hassle. May iba din naman ako subjects," ani Berdida sa panayam ng ABS-CBN News.

"Nare-reiterate ng prof namin na if hindi ma-take this time ['yong exam], mag-message na lang... So they will schedule again for me or for those students na hindi nakapag-take," dagdag niya.

May layong 5 kilometro ang bundok mula sa bahay ni Berdida, at inaabot siya ng hanggang isang oras sa paglalakad. Nitong huling akyat niya ay sinamahan siya ng kaniyang kapatid na lalaki.

Ayon kay Berdida, hindi iyon ang unang pagkakataon na umakyat siya ng bundok para makakuha ng internet connection na ginagamit sa kaniyang pag-aaral.

"Need talaga namin umakyat ng bundok kasi 'yong cell site namin, ang layo-layo... So kailangan ng higher ground para makasagap ng signal for internet," paliwanag niya.

"May mga kababata ako dito na umaakyat din ng bundok to be informed ng nangyayari sa school nila," aniya.

Matapos niyang i-post sa Twitter ang video niya habang nag-aaral sa taas ng bundok, umani ito ng libo-libong retweets at likes.

Ayon kay Berdida, gusto niya ibahagi ang karanasan kaya siya nag-post sa social media.

Wala umano siyang intensiyong siraan ang pinapasukang pamantasan, lalo at nang makita ng pamunuan ng Mapúa ang kaniyang post ay nakipag-ugnayan ito sa kaniya para magpaabot ng tulong.

"They are willing to help naman. And then, if ever may problem ako or hindi ako makapagpasa, it's no problem naman daw po," kuwento niya.

Tumigil ang mga klase sa mga paaralan simula Marso matapos isailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease.

Sa advisory ng Commission on Higher Education (CHED), ipinauubaya nito sa mga kolehiyo at unibersidad ang pagpapasya kung paano makukumpleto ng mga estudyante ang kanilang requirements sa gitna ng ECQ.

Hinihikayat ng CHED ang mga kolehiyo at unibersidad na magpatupad ng flexible learning at iba pang alternatibong paraan para matuloy ang pag-aaral ng mga estudyante kahit wala ang mga ito sa mismong campus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.