Abogadong tutulong sana sa cash aid recipients inaresto sa Candelaria

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 04:55 PM


MAYNILA — Inaresto ng pulisya sa Candelaria, Quezon ang isang abogado na nagpunta umano sa bayan para tumulong sa mga residenteng nagrereklamo ukol sa kanilang ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP). 

Kinilala ang inaresto na si Russel Miraflor ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Quezon chapter at isa ring local radio anchor sa lalawigan.

Kuwento ni Miraflor, kumukuha siya ng video sa Malabanban Norte nang lapitan ng 2 pulis at kuwestiyunin sa kaniyang ginagawa. 

Nagpakita aniya siya ng ID galing sa barangay subalit hindi ito kinilala ng mga awtoridad. 

Nakadetine siya sa Candelaria municipal police station subalit hindi pa aniya niya alam kung ano ang ikakaso laban sa kaniya. 

Paliwanag sa kaniya ng mga pulis, lumabag umano siya sa enhanced community quarantine. 

Nagtungo si Miraflor sa Candelaria upang alamin ang sumbong sa kaniya na hinahati raw ang pera sa SAP at hindi ibinibigay nang buo sa mga residente. 

"Pinakita ko po itong ID pero hindi raw ito ang frontliner ID... Maybe pagsikil ito sa pamamahayag. Ayaw nila na makita ng tao na merong mga anomalya talagang nangyayari," sabi ng nakadetineng abogado. 

Wala pang tugon ang Quezon Police Provincial Office sa insidente. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.