7 timbog sa pangha-hack, pagnanakaw umano sa bank accounts

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 04:54 PM | Updated as of Apr 30 2020 08:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang hacker at 6 na taga-withdraw ng pera ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano ay pangha-hack at pagnanakaw sa mga bank account.

Sa bisa ng isang search warrant, sinalakay ng NBI Cybercrime Division ang isang bahay sa Imus, Cavite na inuupahan ng 6 tao na nagwi-withdraw umano ng pera sa bank account na nakapangalan sa iba.

Aminado ang 6 na suspek na nakaw ang perang kanilang wini-withdraw.

Sa Laguna naman, inaresto si Fernando Tiolengco sa bisa rin ng isang warrant.

Aminado si Tiolengco na nagpapadala siya ng e-mail sa mga biktima na kunwari ay galing sa bangko para makuha ang password ng mga ito at ma-transfer ang kanilang pera.

Nabawi sa mga suspek ang sandamakmak na mga sim card, debit card, at money counter.

Ayon kay Tiolengco, nagsimula rin siyang taga-withdraw ng pera hanggang sa natutunan niyang mang-hack.

Ayon kay Michelle Valdez, executive officer ng NBI Cybercrime Division, higit dumoble ang mga kaso ng online fraud ngayong may lockdown at posibleng magpatuloy pa ito.

Nagpaalala muli ang NBI sa publiko na huwag ibigay ang one-time password at iba pang personal na detalye kahit kanino.

Sinampahan ang mga suspek ng kasong computer-related fraud habang bineberipika rin ang edad ng isang suspek na sinasabing menor de edad pa.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.