64 pamilya binibigyan ng ayuda ng mga pulis sa Gingoog City

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 01:35 PM

Nagbibigay ng ayuda ang mga pulis ng Gingoog City sa ilang pamilya sa lungsod. Retrato mula sa Gingoog City Police Station

Dahil maraming Pinoy ang hirap na maitawid ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan bunsod ng krisis sa coronavirus disease (COVID-19), minabuti ng pulisya sa Gingoog City, Misamis Oriental na mag-abot ng tulong sa mga pamilyang kapos.

Aabot sa 64 ang pamilyang nagsisilbing benepisyaryo ng "Adopt-A-Family" project ng Gingoog police, ayon sa hepe na si Lt. Col. Ariel Philip Pontillas.

Ang bawat pulis mismo ang pumili sa pamilyang kanilang hahatiran ng ayuda kada linggo.

"In any amount na kaya o bukal sa loob, pagkain na puwede naming ibigay," ani Pontillas.

Kasama sa mga nakatatanggap ng tulong ang pamilya ng isang presong tumakas noong nakaraang linggo.

"During sa aming pag-conduct ng hot pursuit o tracking sa pugante... aming nadatnan sa kaniyang bahay ang kaniyang pamilya. Apat ang kaniyang maliliit na anak at nakakaawa," kuwento ni Pontillas.

Dalawang linggo nang nagsasagawa ng pagbibigay ng tulong ang mga pulis.

Umaasa ang Gingoog police na maging halimbawa sila para mahikayat ang ibang may kaya na tumulong sa mahihirap sa gitna ng krisis sa COVID-19.

-- Ulat ni Joey Taguba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.