6 patay sa sunog sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 09:15 AM | Updated as of Apr 30 2020 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) -- Patay ang 6 katao sa sunog na sumiklab sa Tondo, Maynila nitong umaga ng Huwebes, ayon sa mga awtoridad.

Ang 6 na namatay, kabilang ang 2 menor de edad at isang senior citizen ay galing sa iba-ibang pamilya na nakatira sa isang bahay sa Barangay 91, Zone 8, ayon sa barangay chairman na si Antonio Asilo.

Posible umanong nahirapang makalabas ng bahay ang mga biktima.

Umabot hanggang unang alarma ang sunog bago maapula bandang alas-7:52 ng umaga, ayon kay Fire Senior Supt. Geranndie Agoos, district fire marshall ng Bureau of Fire Protection-Manila.

Sa kabuuan, tinatayang 20 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos matupok ang 8 bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng apoy pero isa sa mga hinala ay electrical overload, lalo at nakarinig umano ng pagputok ng mga kable ng kuryente ang ilang residente.

Sa ngayon, sa kalapit na eskuwelahan muna maninirahan ang mga nasunugan, na humiling sa lokal na pamahalaan ng tulong.

Ito na ang ikatlong sunog na naitala sa lungsod simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa rehiyon.

Nauna nang nasunog ang isang residential building sa Delpan area sa Binondo at Happy Land sa Tondo.

-- Ulat nina Bianca Dava at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.