5 buwang gulang na sanggol gumaling sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 07:11 PM | Updated as of Apr 30 2020 09:09 PM

Watch more in iWantTFC

Kayang mapagtagumpayan ang coronavirus disease (COVID-19).

Iyan ang napatunayan ni Jomelia Datayan, taga-Santa Cruz, Maynila, nang matalo ng kaniyang 5 buwang gulang na anak na si Ron Keizer ang kinatatakutan na virus.

Nagsimula sa pagtatae at lagnat ang mga sintomas na naranasan ni Ron Keizer, hanggang sa nauwi sa pulmonya at sepsis. Agad dinala ang sanggol sa Fabella Hospital.

Noong Abril 5, natanggap ni Jomelia ang masamang balita na nagpositibo ang anak sa SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19.

"Sobrang takot, lalo na nanonood kami ng balita na ang daming namamatay sa COVID," ani Jomelia sa panayam ng ABS-CBN News.

Laking pasasalamat ni Jomelia sa matinding pag-alaga ng mga doktor at nurse ni Ron Keizer.

Tila isang milagro na sa sumunod na pagsusuri sa sanggol noong Abril 17, wala nang virus na nakita sa kaniyang katawan.

"Sobrang saya po. Lahat din po kami dito natutuwa na gumaling si baby," ani Jomelia.

"Siguro po may plano pa sa kaniya ang panginoon kaya pinagaling talaga siya," dagdag niya.

Ayon sa isang doktor sa Fabella Hospital, wala naman masyadong pagkakaiba ang pag-manage ng pasyenteng may COVID-19 na bata o matanda.

Ang mahalaga lang ay maipagpatuloy ng ina ang pagpapadede sa bata lalo't ito ang pinagkukuhanan ng sanggol ng lakas at panangga sa mga sakit.

Ayon din sa Fabella Hospital, matapos mapagaling si Ron Keizer, binabantayan naman nila ngayon ang 2 bagong silang na sanggol at isang pedia patient na positibo sa sakit.

Inaantabayanan din ng ospital ang resulta ng 2 pang bata na na-test kung may COVID-19. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.